CAR INSURANCE INIREKLAMO SA PUNA

INIREKLAMO ni Eric Normor ng Bignay, Valenzuela City ang People’s General Insurance Corporation na nakabase sa Intramuros, Maynila dahil hanggang ngayon ay hindi pa pinagagawa ang kanyang sasakyang naaksidente noon pang nakaraang Disyembere 2020.

Sa police report na ibinigay sa atin mula sa Quezon Police Provincial Office, naaksidente ang isang Hyundai Accent 1.4 GLA Sedan na may conduction sticker K114227 sa Quirino Highway, Brgy. San Francisco, Tagkawayan, Quezon na pag-aari ni Ginoong Normor.

Pagkatapos maaksidente ang sasakyan ay agad nila itong inireport sa naturang insurance company subalit sa halip na agad ipagawa ay sinisingil pa sila nito ng second payment.

Base sa hawak nating dokumento, ang peryodo ng comprehensive insurance ni Ginoong Normor sa People’s General Insurance Corp. ay mula alas 12 ng tanghali ng Jan. 2, 2020 hanggang alas 12 ng tanghali ng Jan. 2, 2021.

Kaya nang maganap ang aksidente noong Disyembre 2020, sakop pa nito o hindi pa expired sa pagkaka-insured ang sasakyan

Mula noon hanggang ngayon ay hindi na nagparamdam ang nasabing insurance company kay Ginoong Normor.

Sa sobrang pagkadismaya niya sa People’s Insurance Corp. ay nagpalit na lang siya ng ibang car insurance company.

Pero sa ating phone interview sa isang nagngangalang Liz na kinatawan ng People’s Insurance Corp., sinabi niyang hindi naman daw nakikipag-ugnayan sa kanila si Ginoong Normor.

Nakalock-in din daw ng 5 years sa kanila ang sasakyan nito kaya sinisingil nila ng 2nd payment.

Pinabulaanan naman ni Mr. Normor ang sinasabi nitong si Liz na hindi sila nakikipag-ugnayan sa kumpanya.

Ang totoo, nagsawa na nga daw sila sa pagpapa-follow up para maipagawa lang ang kanilang sasakyan dahil wala naman daw nangyayari sa katatawag nila sa insurance company.

Plano ngayon ni Ginoong Normor na magsampa ng kaso laban sa People’s Insurance Corp. dahil sa kapabayaan nito na nakakaapekto sa kanilang kabuhayan.

Mula noong Disyembre 2020 hanggang ngayon ay hindi na magamit ang sasakyan.

Kaya kapag bumili kayo ng sasakyan sa Hyundai Taytay ay magdalawang-isip kayo dahil awtomatikong ang palpak na People’s Insurance Corp. ang magiging insurance company ng sasakyan ninyo.

Subalit sa phone interview din ng PUNA sa kinatawan ng Hyundai Taytay ay sinabi nitong ipaaalam nila sa People’s Insurance Corp. ang reklamo ni Ginoong Normor sa naaksidente nitong sasakyan.

Sa kabila ng mga reklamo ni Mr. Normor kaugnay sa problema nang pagpapagawa ng kanyang sasakyan ay hindi pa rin inaksiyunan ng nabanggit na insurance company.

Kaya napilitan na si Ginoong Normor na idulog ang kanyang reklamo sa PUNA.

Ka-PUNA PUNA rin na sa hawak nating dokumento ay malinaw na nakalagay doon ang peryodo na saklaw ng insurance ang sasakyan ni Normor.

Bakit ngayon sinasabi ng ating nakausap mula sa kumpanya na naka-lock in (naka-insured) ng 5 years sa kanila ang sasakyan?

Duda tuloy si Ginoong Normor na ang sinisingil sa kanila ng People’s Insurance Corp. na 2nd payment ay yun din ang ipagpapagawa sa kanilang sasakyan na naaksidente.

Kung ganito kapabaya ang insurance company sa kanilang mga kliyente, bakit hindi ito binibitiwan ng Hyundai Taytay?

Makakasira ito sa inyong mga kustomer na gustong bumili ng inyong mga sasakyan.

Payo natin sa mga bumibili ng sasakyan, alamin ninyo muna ang mga insurance companies kung maayos ba ito o hindi para hindi kayo nagkakaproblema pag naaksidente.

Abangan na lang po natin ang isasampang kaso ni Ginoong Normor laban sa People’s Insurance Corporation.

oOo

Para sa suhestiyon at reaksyon mag-email joel2amongo@yahoo.com at operarioj45@gmail.com o kaya magtext sa 0956-951-00-57.

306

Related posts

Leave a Comment