KUNG mayroong nakinabang sa pagpapalayas ng 12 Senador sa United States (US) Bases sa Pilipinas ay ang China dahil mula nang mawala ang dayuhang puwersa na ito sa ating bansa, naging agresibo na ang communist country na ito sa pananakop sa ating teritoryo sa West Philippine Sea.
September 16, 1991 nang magbotohan ang mga Senador kung paaalisin ba o hindi ang US Bases sa Pilipinas at dahil matindi ang pagiging anti-bases sa bansa noong panahong yun, nanalo sa botohan ang mga anti-US Bases Senators.
Kabilang sa mga Senador na bumoto para ireject ang US Bases treaty ay sina Sens. Wigberto Tañada, Victor Ziga., Agapito “Butz” Aquino, Juan Ponce Enrile, Joseph Estrada, Teofisto Guingona Jr., Sotero Laurel II, Ernesto Maceda Jr., Orlando Mercado, Aquilino Pimentel Jr. , Rene Saguisag at Senate President Jovito Salonga.
Nagbukas ito sa China para unti-unting sakupin ang teritoryo ng Pilipinas sa West Philippine Sea dahil apat na taon matapos ireject ang ekstensyon ng Military Bases Agreement ay sinakop na agad ng Communist Country na ito ang Panganiban Reef.
Taong 1995 nang simulan ng China na sakupin ang Panganiban Reef. Una silang nagtayo ng pahingahan lang daw ng kanilang mga mangingisda pero unti-unti na nilang tinayuan ng mga konkretong gusali.
Ngayon ay isa ng military facilities ng China ang Panganiban Reef. Mayroon nang barkong pandigma, puwede ng maglanding ang malalaking military aircraft at ang suspetsa nga ng marami ay armado na rin ng nuclear weapon.
Mula 1995, ay 7 reef na ang sinakop ng China sa WPS. Iba pa dyan ang Scarborough Shoal at ngayon ay gusto na namang kunin ang Julian Felipe Reef. Kung nagkataong walang komunidad sa Pag-Asa Island baka sinakop na rin nila.
Siguro kung pinayagan ng mga nabanggit na senador na palawigin pa ang Bases treaty na ito ng Amerika, hindi maglalakas loob ang China na sakupin ang mga nabanggit na teritoryo na bahagi ng bansang Pilipinas.
Hindi rin sila makakalapit sa Scarborough Shoal dahil nasa Clark Pampanga lang ang airbase ng Amerika pero nang mawala ang US Bases, lumakas ang loob nila dahil alam nilang hindi kayang mag-isa ng Pilipinas na ipagtanggol ang kanilang sarili sa tulad nila na moderno ang kanilang kagamitang pandigma.
Ngayon, marami sa atin ang tumutol sa iba pang military agreement sa pagitan ng Pilipinas at Amerika at hindi pinapaboran ang balikatan exercise pero dapat nating isipin na lalong nanganganib ang ating bansa sa China kapag nagsosolo tayo.
Hindi na ubra ang mga diplomatic protest na ihinahain ng Pilipinas kapag may ginagawang kalokohan ang China sa WPS. Parang ang tingin sa atin ay basura kaya ipinambabalot na lang ng tinapa ang diplomatic protest paper na ipinapadala natin sa kanila, ika nga ni Cong. Ace Barbers.
Wala nang galang sa atin ang China. Hindi kaibigan ang tingin sa atin. Kunwaring nakikipag-kaibigan pero sila ay mapagsamantalang kaibigan. Ginagawa nila ang kaibigan para sa sariling kapakinabangan. Manggagamit ika nga nila.
Alam natin na may agenda din ang Amerika pero hindi tulad ng China, wala silang masamang balak sa atin tulad ng masamang ginagawa ng China sa ating lahing Kayumangi.
Kailangan nating magdesisyon. Talikuran ba natin ang Amerika at hayaan na lamang ng China na kunin ang lahat ng nasa atin? Nasa atin ang desisyon. Pero isipin natin, hindi natin kayang mag-isa.
Kailangan natin ang suporta ng ibang bansa kasama na ang Amerika dahil kung hindi ay posibleng isang araw magugulat na lang tayo na nakuha na ng China ang lahat ng teritoryo natin sa WPS.
178 