INIHAYAG ni Presidential spokesman Harry Roque na hanggang katapusan ng Abril hindi tatanggap ng mga dayuhan sa Pilipinas.
Kaugnay ito ng inisyung babala ng Amerika para sa kanilang mamamayan na bumiyahe sa Pilipinas.
Ayon kay Sec. Roque, kahit ang mga bakunadong travellers ng US ay maaari pa ring mahawa at makahawa ng bagong variant ng COVID-19.
“Uulitin ko po, hanggang ngayon, hanggang Abril 30 po hindi tayo tumatanggap ng mga dayuhan dito sa Pilipinas,” aniya pa rin.
Wala namang problema at hindi minamasama ng Malakanyang ang pagpapalabas ng warning o babala ng gobyerno ng Amerika para sa kanilang mamamayan para bumiyahe sa Pilipinas.
Ayon kay Roque, wala namang ibig pakahulugan ang gayong pahayag lalo’t wala naman aniyang nakakapasok na dayuhan sa bansa kasama na ang mga Amerikano.
Sinabi ni Sec. Roque na naiintindihan nila na habang may pandemiya ay talagang may karapatan namang magbigay ng babala ang alinmang bansa para sa kanilang mga kababayan. (CHRISTIAN DALE)
226
