P60-B KITA NG KARTEL NG MGA IMPORTER NA BABOY

PABOR na pabor sa mga importer ng karne ng baboy ang ­Executive Order No. 128 (E.O. 128) na inisyu ni Pangulong ­Rodrigo Duterte dahil, ayon sa ilang senador, aabot hanggang P60 bilyon ang kikitain ng ­naturang mga negosyante.

Sa E.O. 128, pinayagan ang mga importer na mag-angkat hanggang 100 metro – toneladang iba’t ibang parte ng baboy.

Ang nasabing 100,000 minimum access volume (MAV) na maaaring angkating mga baboy ay napakalaki mula sa 43,000 metro – tonelada.

Maliban diyan, ibinaba ni Duterte sa limang porsiyento ang taripa o bayad na buwis, sa pag-angkat ng baboy mula sa higit 40%.

Kung ganyang kaganda ang nilalaman ng E.O. 128, walang dudang tiba – tiba ang mga negosyanteng umaangkat ng baboy.

Ayon sa isinasagawang imbestigasyon ng Senado hinggil sa nangyayaring korapsyon sa Department of Agriculture (DA) kaugnay sa pag-angkat ng mga baboy.

Ibinunyag ni Senador Panfilo Lacson na mayroong sindikato sa DA na P6 bilyon ang kita sa loob ng isang taon.
Pokaragat na ‘yan!

Ayon kay Lacson, lima hanggang pitong piso ang patong ng sindikato bawat kilo ng inangkat na baboy.

Kung anim ang kasama sa sindikato sa DA na importasyon ng baboy ang pinagkukunan ng P6 bilyon, tig-isang bilyon bawat isa sa kanila.

Pokaragat na ‘yan!

Ang problema, hanggang ngayon ay hindi pa natutukoy ng mga senador ang mga kasama sa naturang sindikato.

Kahit si Lacson ay hindi pa matukoy hanggang sa imbestigasyon ng Senado nitong Martes kung sinu-sino ang mga kasama sa sindikato.

Hindi rin masabi ni Lacson kung may parte rin si DA Secretary William Dar sa sindikato.

Pokaragat na ‘yan!

Ang nasipat pa lamang ng ilang senador ay aabot sa P60 ­bilyon ang kikitain ng pinaniniwalaan nilang kartel ng mga importer ng baboy.

Nabatid na sampu ang mga negosyante ng importasyon ng baboy na nabigyan ng DA ng permit.

Ang pinataas na MAV sa pag-angkat ng baboy at pagbaba ng taripa ay mungkahi ni Dar kay ­Pangulong Duterte.

Naniniwala si Dar na kung dadamihan ang bolyum ng karne ng baboy ang mga pampublikong pamilihan ay siguradong bababa ang presyo ng iba’t ibang parte ng baboy.

Pabor na pabor ito sa mga pangkaraniwang tao na araw-araw bumibili ng baboy sa mga palengke.
Mula kasi noong Hunyo hanggang kasalukuyan ay masyadong mataas ang presyo ng baboy.

Umabot ito sa P400 hanggang P450 kada kilo.

Naniniwala si Dar at iba pang opisyal ng administrasyong Duterte tulad ng hepe ng National Economic and Development ­Authority (NEDA) na bababa lamang ang presyo ng baboy kung maraming baboy sa palengke.

At darami ang baboy sa mga palengke kung aangkat ng napakaraming baboy.

Pokaragat na ‘yan!

Samantalang, nagsimula ang problema sa produksiyon ng baboy dito sa ating bansa nang magkaroon ng African Swine Fever (ASF) ang maraming babuyan.

Naniniwala ang mga eksperto sa DA at ilang senador na galing sa ibang bansa ang ASF.

Uulitin ko, nagkaroon ng ASF sa Pilipinas dahil sa mga baboy na galing sa ibang bansa.

Hanggang ngayon, malaking problema ng pamahalaan at mga magbababoy ang ASF.

Ngunit, itong si Dar ay ­humingi pa ng E.O. kay Duterte upang itaas ang MAV ng ­aangkating baboy at pinabawasan pa ang taripa ng aangkating mga baboy.

Pokaragat na ‘yan!

Aabot na nga sa P60 bilyon ang kikitain ng kartel sa importasyon ng baboy, ngunit, humihirit pa si Finance Secretary Carlos Dominguez III na itaas sa 400,000 metro – ­tonelada ang MAV ng
aangkating mga baboy.

Malaki ang pag-alinlangan dito ng mga senador sa ­pangunguna ni Senate President Vicente Sotto III dahil posibleng lalong mahirapang maibangon ng mga nag-aalaga ng mga baboy sa mga lalawigan.

Tapos, madadagdagan pa ng bilyun – bilyon ang kita ng kartel ng mga importer ng baboy.

Natural, lalaki nang husto ang kikitain ng sindikato sa DA.

Siyempre, lalaki ang parte ng mga opisyal sa DA na pasok sa sindikato.

Iyan ay kung totoo ang ­ibinunyag ni Lacson na mayroong sindikato sa DA na nakikinabang sa importasyon ng baboy.

335

Related posts

Leave a Comment