UMAPELA ang isang mambabatas sa Kamara sa Philippine Coast Guard (PCG) at Philippine Navy (PN) na huwag tantanan ang pagbabantay sa West Philippine Sea (WPS).
Ginawa ni Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers ang apela matapos maitaboy ng PCG ang mga Chinese militia vessel sa Sabina Shoal na hindi kalayuan sa Palawan.
“Magpadala na tayo ng regular na bantay dun. Navy o Coast Guard para magpatrol dun,” ayon kay Barbers dahil lumalabas na ang Sabina Shoal ang panibagong target ng Chinese militia.
Noong Marso ay mistulang inokupahan ng Chinese militia ang Julian Felipe Reef na ikinagalit ni Department of Foreign Affairs (DFA) Secretary Teddy Boy Locsin dahil sa kabila ng mga diplomatic protest na inihain nito ay patuloy sa kanyang aktibidad ang China.
Ayon kay Barbers, kaya malakas ang loob ng mga Chinese na pasukin ang mga teritoryo ng Pilipinas sa WPS ay dahil hindi ito regular na nababantayan o kaya limitado ang mga nagbabantay.
May adviser ba si Duterte?
Sa kabilang dako, sinabi ni Rep. Manuel Cabochan III na tila walang adviser si Pangulong Rodrigo Duterte kaya hindi ito nag-iingat sa kanyang mga binibitiwang salita lalo na sa usapin sa WPS.
Ayon sa mambabatas, kung mayroon magpapayo sa pangulo sa nasabing usapin ay hindi umano ito magdudunong-dunungan at hindi patalo ang kanyang tindig sa WPS.
“The President’s pronouncements are detrimental to our claims. Imbes na ipagtanggol ang ating karapatan at teritoryo ay nagiging abogado pa siya ng China,” ani Cabochan.
Dapat napayuhan din umano si Duterte na ang panalo ng Pilipinas ay hindi isang papel lang na puwede niyang itapon sa basurahan dahil katulad ito ng Konstitusyon na isang papel lang pero ito ang nagluklok sa kanya sa kapangyarihan.
“Nakakalimutan yata ng pangulo na ang posisyon at kapangyarihan niya ay base sa ating Constitution, na minsan na rin niyang tinawag na papel lamang. That piece of paper demands him to defend our sovereignty. The paper that placed him in power is the same paper that can take him out if he continues to betray our nation. That is the same paper our Armed Forces upholds and defends,” ani Cabochan.
Kasunod ay disaster
“Disaster ang kasunod kapag minaliit ang isang napakalaking problema.”
Ito naman ang pahayag ni House deputy minority leader Carlos Zarate matapos maliitin ni Pangulong Duterte ang panalo ng Pilipinas sa Permanent Court of Arbitration (PCA) laban sa China sa usapin sa WPS.
“Sa tuwi-tuwina po pag minamaliit ni President Duterte ang isang bagay ay napakalaki pong disgrasya ang nangyayari sa mamamayang Pilipino,” ayon sa militanteng mambabatas.
Sinabi nito na minaliit din ni Duterte ang COVID-19 nang manalasa ito noong nakaraang taon at sinabi pang sasampalin niya ang virus subalit ang naging epekto ay malaking digrasya.
“Noong unang sumabog po ang pandemya ng Covid last year, sabi niya walang problema yan mawawala din yan. Maliit na bagay sabi nga niya, pero ano po ang nangyari?” ani Zarate.
Ang naging epekto aniya nito ay nagkaroon ng iba’t ibang level ng lockdown, milyon-milyon ang nawalan ng trabaho at lalong nalugmok aniya ang mga tao sa kahirapan at maging ang ekonomiya ng bansa.
Hanggang ngayon ay tuloy-tuloy pa aniya ang problema sa pandemya ng Covid dahil sa kapalpakan at inefficiency ng administrasyong Duterte na ugat umano ng pagmamaliit nito sa napakalaking problema.
Idinepensa
Sa kabila nito, ipinagtanggol ni Defense Secretary Delfin Lorenzana si Pangulong Duterte.
“What President Duterte said last night regarding the PCA ruling is correct,” ani Lorenzana patungkol sa Permanent Court of Arbitration (PCA) sa inilabas na 2016 ruling sa Manila case against Beijing.
Kasabay nito, nilinaw ni Sec. Lorenzana na ang ibig sabihin ng pangulo ay “There is no international law enforcement body that can enforce it”.
“However, even without the PCA ruling, we will continue to defend what is rightfully ours,” anang kalihim.
Hindi rin umano titigil ang Philippine Coast Guard at Bureau of Fisheries and Aquatic Resources sa pagpapatrolya sa West Philippine Sea at Kalayaan Group of Islands. (BERNARD TAGUINOD/JESSE KABEL)
131 