Kapag sinimulan ang paghuli sa walang face mask SELDANG SIKSIKAN LALONG AAPAW

(BERNARD TAGUINOD)

AAPAW na naman ang mga istasyon ng pulisya sa buong bansa dahil sa kautusan ni Pangulong Rodrigo Duterte na arestuhin at ikulong ang mga taong hindi nagsusuot ng facemask.

Ito ang isa sa mga kinatatakutan ng mga militanteng mambabatas bukod sa posibleng maging ugat umano ng mas matinding paglabag sa karapatang pantao ang direktibang ito ng pangulo.

“Sa utos na namang ito ni President Duterte, magbubunga na naman ito ng katakot-takot na arrests at paglabag sa karapatan ng mamamayan,” ani Gabriela party-list Rep. Arlene Brosas.

Huling sumikip ang mga kulungan noong kasagsagan ng kampanya laban sa ilegal na droga matapos sumuko ang mga drug addict bukod sa mga nahuli ng mga pulis sa kanilang anti-drug operations.

Sinabi ni Brosas na muling aapaw ang mga kulungan lalo na’t siyam na araw ipinakukulong ni Duterte ang mga taong hindi nagsusuot ng facemask bilang bahagi ng kampanya laban sa COVID-19.

Binanggit ni Brosas na sa isang survey, 20% sa mga Filipino ang hindi sumusunod sa health protocols tulad ng pagsusuot ng face mask subalit ito ay hindi umano dahil matigas ang kanilang ulo kundi walang pambili ng proteksyon sa sarili.

“Sa halip na arestuhin, magbigay ng face mask,” mungkahi ng lady solon dahil kung hindi ay mas manganganib ang mga ito sa loob ng kulungan lalo na ngayong mainit ang panahon.

Sobrang parusa umano ang pagpapakulong sa mga lalabag sa health protocols dahil bukod sa posibleng manganib ang mga ito sa COVID-19 ay malalagay din sa panganib ang kanilang kalusugan lalo na ang mga may sakit dahil sa init ng panahon.

Dahil dito, dapat ikonsidera aniya ng gobyerno ang kautusang ito ng pangulo dahil hindi umano ito sagot para maresolba ang problema sa pandemya sa COVID-19 kundi ang pagpapabilis sa bakuna.

 

Katwiran ng Palasyo

Samantala, binigyang katuwiran ng Malakanyang ang naturang direktiba ni Pangulong Duterte.

Sinabi ni Presidential spokesperson Harry Roque na ang quarantine violator ay kailangan munang mahuli bago ipataw ang kaukulang parusa.

“It’s not the penalty yet,” ani Sec. Roque.

At sa tanong naman kung malupit o marahas ang direktiba ng pangulo ay sinabi ni Sec. Roque na “certainly not.”

“We have ordinances on minimum health protocols that allow the outright apprehension [or] warrantless arrest if a crime was committed in the presence and with the full personal knowledge of the police officer,” ang pahayag ni Sec. Roque.

Sa kanyang Talk to the People nitong Miyerkoles, binanggit ng pangulo na, “My orders to the police, those who are not wearing their masks properly in order to protect the public… to arrest them and detain them, investigate them why they are doing it”.

“Yung ayaw maniwala, gusto mo, ayaw mo usapan na maganda, ah di ayan hulihin mo. Imbestigahin mo. Nine hours stay in station,” dagdag na pahayag ng pangulo.

Ngunit parehong hindi pabor ang Philippine National Police at Justice Department na arestuhin at kasuhan ang mga quarantine violator, sa halip ay mas pabor ang mga ito sa community service.

Pag-aaralan naman ng Department of the Interior and Local Government (DILG) kung papaanong ihahanay sa mga ordinansa ng local government units (LGUs) ang pinakahuling direktiba ni Pangulong Duterte.

Ayon kay DILG Undersecretary Jonathan Malaya, kailangan nilang pulungin ang LGUs at PNP para pag-aralan kung papaano ipatutupad ang direktiba ng pangulo sa mga LGU.

Paliwanag ni Malaya, may kanya-kaniyang ordinansa ang LGUs mula sa kanilang sanggunian na nagtatakda ng parusang ipinapataw sa mga nahuhuling hindi nagsusuot ng face mask sa mga pampublikong lugar.

Nangyayari lang umano ang pag-aresto sa mga lumalabag sa ordinansa kapag ang mga ito ay nanlaban o nambastos ng mga awtoridad.

Ngunit dahil sa direktiba ng pangulo, kailangan muling kalkulahin ang mga ipinatutupad na ordinansa ng mga LGU ukol dito. (May dagdag na ulat si CHRISTIAN DALE)

198

Related posts

Leave a Comment