DRIVE THRU VACCINATION SA RIDERS, ISINUSULONG

IMINUNGKAHI ni Senador Joel Villanueva sa gobyerno na magtalaga ng mga drive-thru para sa bakuna o isang mega vaccination site para sa libo-libong delivery riders at couriers sa Mega Manila para umarangkada ang paggamit ng 5.1 milyong bakuna na malapit nang mag-expire.

Iginiit ni Villanueva na mapabibilis ang pagbabakuna sa mga delivery rider kung magtatalaga ng vaccination site nang hindi na kailangan pumila at makisabay pa sa mga LGU facility.

Bilang mga “essential workers,” malaking tulong sila sa mamamayan, lalo na noong panahon ng mahigpit na lockdown dahil sila ang nagdadala ng pagkain at iba pang mga pangangailangan.

Dahil sila ay nasa “frontline” din, marapat umanong mabakunahan din sila sa lalong madaling panahon kasabay ng iba pang grupong sumasabak sa laban araw-araw, dagdag ni Villanueva.

Sa ilalim ng bagong batas na COVID-19 Vaccination Program Act, pinapayagan ang pagbabakuna ng pribadong sektor kada occupational groups tulad ng mga delivery rider at couriers.

Ayon kay Villanueva, nagawa na ito ng ilang lokal na pamahalaan sa Metro Manila nang makipag-ugnayan at makipagtulungan sa mga subdivision o village para magsagawa ng bakunahan sa kanilang mga lugar sa tulong ng mga miyembro mismo ng homeowners o komunidad.

Idinagdag pa ng senador na dapat patuloy ang paghikayat ng gobyerno sa mga kumpanya ng food at courier services na magsama-sama para magtayo ng consortium na magsasagawa ng pagbabakuna sa kanilang mga delivery rider.

“Mungkahi po natin sa IATF na pag-aralan ang pagtatakda ng isang go-to na vaccination site para sa ating mga delivery riders, para makasigurong mababakunahan sila nang maayos,” ayon kay Villanueva, chair ng Senate labor committee. “Kilala na po agad kung sino ang maaaring tumanggap ng bakuna dahil nasa listahan sila ng mga kumpanya.”

Ayon sa mambabatas, kapag nagawa ito, makatutulong ang hakbang na ito sa paggamit ng lagpas 5.1 milyon na bakuna na sinabi ni vaccine official Carlito Galvez ay malapit nang masira.

“Kung ang pinakamataas na natin na bilang ng nabakunahan sa isang araw ay 83,000 at pag nilakihan natin ito sa 100,000 kada araw, aabutin tayo ng dalawang buwan bago maubos ang 5.1 milyong bakunang ito. At marami pang bakuna ang inaasahan na darating,” giit ni Villanueva.

“Kung matapos agad ang mga delivery riders, baka pwede pong isunod na rin ang ibang mga essential workers,” dagdag pa ng senador. (DANG SAMSON-GARCIA)

121

Related posts

Leave a Comment