Murder-suicide sa Bulacan PULIS AT GF NAKITANG PATAY SA SUV

BULACAN – Dalawang ulit na binaril umano sa ulo ng isang pulis ang isang call center recruiter na nobya nito, bago nagpakamatay sa pamamagitan ng pagbaril sa sarili sa loob ng isang sasakyan sa bahagi ng McArthur Highway sa Brgy. Caniogan sa Lungsod ng Malolos noong Huwebes ng madaling araw.

Ayon sa report ng Malolos City Police, kinilala ang suspek na si P/Cpl. Clinton Paterno, 28-anyos, tubong Mountain Province at nakatalaga sa Police Community Precinct ng Barangay Bangkal sa nasabing lungsod habang ang napatay nitong girlfriend ay kinilalang si Isabel Ganelo, 27-anyos, call center recruiter, hiwalay sa asawa at nakatira sa #117 Saint Francis, Brgy. Borol 2nd, Balagtas, Bulacan.

Sa panimulang imbestigasyon, sinasabing nagkaroon ng mainitang pagtatalo ang dalawa habang lulan ng puting Ford Ranger XLT na may conduction sticker number C2R903, hanggang tatlong putok ng baril ang umalingawngaw

Ayon sa ilang Bantay Bayan na nakasaksi sa insidente, bandang alas-3:00 ng madaling-araw nang mapansin ang nasabing sasakyan galing sa Crossing ng Malolos at nang huminto ay dito na nangyari ang pamamaril.

Agad dinala sa Sacred Heart Hospital ang magkasintahan na malapit sa pinangyarihan ng krimen ngunit idineklarang dead on arrival ang babae habang si Cpl. Paterno ay nai-transfer pa sa JB Hospital sa San Fernando, Pampanga ngunit binawian din ng buhay bandang hapon.

Natagpuan sa loob ng sasakyan ang isang 9mm Glock, 1 Colt US Magnum 22 revolver, basyo ng bala ng baril at ilang kagamitan ng mga biktima. (ELOISA SILVERIO)

588

Related posts

Leave a Comment