TAMBAY PATAY SA TUMALSIK NA GULONG

CAVITE – Patay ang isang 26-anyos na lalaki nang tamaan ng tumalsik na gulong ng tractor head habang nasa gilid ng kalsada sa Dasmariñas City noong Huwebes ng umaga.

Namatay habang nilalapatan ng lunas sa Pagamutan ng Dasmariñas City ang biktimang si Ariel De Guzman ng Brgy. Sampaloc 1, Dasmarinas City.

Kinilala naman ang driver ng trailer truck na may International tractor head, na si Garry Ferrer, 38-anyos.

Ayon sa ulat ni P/SSgt. Jesus Bae ng Dasmariñas City Police, dakong alas-11:30 noong Huwebes ng umaga nang mangyari ang insidente sa kahabaan ng Governors Drive, sakop ng Brgy. Sampaloc 1, Dasmariñas City kung saan minamaneho ni Ferrer ang isang International Tractor Head na may plakang UWJ 802, at may trailer truck na may plakang PUE 682, patungo sa direksyon ng Trece Martires City proper.

Pagsapit sa nasabing lugar nang matanggal ang dalawang gulong sa rear side ng tractor head, tumalsik ito at tumama kay De Guzman na noon ay naka-istambay sa lugar.

Sinikap isalba sa ospital ang buhay ng biktima ngunit binawian ng buhay makalipas ang ilang oras. (SIGFRED ADSUARA)

226

Related posts

Leave a Comment