2 pa sugatan RIDER TODAS SA SUV NG KONSEHAL

QUEZON – Patay ang isang motorcycle rider habang sugatan ang dalawang backrider nito makaraang araruhin ang kanilang sasakyan ng isang SUV na minamaneho ng isang municipal councilor sa Maharlika Highway, Brgy. Sto. Domingo sa bayan ng Calauag sa lalawigang ito, noong Sabado ng gabi.

Idineklarang dead on arrival sa Saint Peter Hospital ang biktimang si Michael Santiquia, 42-anyos, company driver, habang nilalapatan ng lunas sa ospital ang mga backrider nito na sina Aloja Ocial, 33, at Catherine Ocial, 16-anyos.

Batay sa report ng Calauag Police, magkasalubong ang motorsiklo ng mga biktima at ang Toyota Fortuner na minamaneho ng 61-anyos na si Antonio Boncan, ABC president at konsehal ng bayan ng Bulan sa lalawigan ng Sorsogon, nang magkasalpukan ang mga ito bandang alas-6:45 ng gabi.

Dahil madulas at basa ang kalsada, nag-slide at nagpagewang-gewang ang SUV na noon ay patungo sa Bicol.

Tuluyang nawalan ng kontrol sa manibela ang konsehal at tinahak ng SUV ang linya ng kasalubong na motorsiklo.

Sumuko naman sa mga pulis ang konsehal na nahaharap sa kasong reckless imprudence resulting in homicide and multiple physical injuries. (NILOU DEL CARMEN)

151

Related posts

Leave a Comment