‘Love affair’ sinisilip na motibo SEPARADA PINATAY SA LOOB NG KOTSE

CAVITE – Masusing iniimbestigahan ng Cavite Police ang hinggil sa pagkamatay ng isang 58-anyos na ginang na binaril sa loob ng kotse sa bakanteng lote sa Dasmariñas City sa lalawigang ito, noong Sabado ng umaga.

Ang biktimang kinilalang si Ludivina Jarvis, hiwalay sa asawa, ay nakitang may isang tama ng bala sa kaliwang sentido na tumagos kanan.

Ayon sa ulat ni P/SSgt. Marvin Rae Calaor ng Dasmariñas City Police, dakong alas-5:45 noong Sabado ng umaga habang nagsasagawa ng roving inspection si Giovanni Tiapon, 56, security officer ng Jericko Security Agency, sa bahagi ng SOMO Alternate Road, Pulong Mabilog, San Jose, Brgy. Molino 4, Bacoor City nang napansin ang kulay gemstone gray mica na Mitsubishi Mirage Sedan na may plakang WOS 208, sa isang bakanteng lote sa lugar.

Sinilip ni Tiapon ang nasabing sasakyan at nakita ang walang buhay na biktima habang nakaupo sa driver’s seat.

Sa inisyal na imbestigasyon, isang bala ng hinihinalang 9mm na baril ang tumama sa kaliwang sentido ng biktima.

Nabatid na nawawala umano ang ilang gamit ng biktima kabilang ang cellphone at dashcam ng sasakyan.

Ayon kay P/SSgt. Calaor, love affair ang tinitingnang inisyal na motibo sa pagpatay sa  biktima.

“Posibleng kilala ng biktima ang kanyang kakatagpuin dahil naka-pantulog lamang at naka-seat belt nang barilin ito,” ayon kay Calaor.

Ipinatataka rin ni Calaor kung bakit sa bakante at madilim na lugar ipinarada ng biktima ang kanyang sasakyan.

Ayon sa impormasyong nakalap ng mga imbestigador, madaling araw nang umalis ang biktima sa kanilang bahay, bagama’t hindi alam kung saan ito pupunta.

Bukod sa love affair, pagnanakaw ang isa pang tinitingnang anggulo sa pagpatay sa biktima dahil sa nawawalang mga gamit nito. (SIGFRED ADSUARA)

209

Related posts

Leave a Comment