DYOWA IPINATUMBA GINANG SWAK SA SELDA

BATANGAS – Arestado ang isang ginang makaraang ikanta ng dalawang hired killer na siya umano ang utak sa pagpatay sa kanyang live-in partner sa lungsod ng Sto. Tomas sa lalawigang ito.

Unang naaresto ng Sto. Tomas Police ang mag-amang hitman nang masabat ang mga ito sa checkpoint matapos mangyari ang krimen noong Huwebes ng gabi.

Sina Alexander Rosas Llanto at John Patrick Dela Cruz Llanto ay palusot na sana sa checkpoint sa Brgy. San Antonio, Sto. Tomas City nang madakma ng nagbabantay na mga tanod bandang alas-9:35 ng gabi.

Ayon sa pulisya, ang mga suspek ang responsable sa pagpatay sa 49-anyos na si Teddy Gler Villegas na pinagbabaril habang natutulog sa loob ng bahay nito.

Sa presinto, ikinanta ng mga ito na ang ka-live in ng biktima ang nag-utos sa kanila na patayin si Villegas kapalit ng P10,000.

Agad inaresto ang ginang na umamin naman sa krimen.

Salaysay ng ginang, natuklasan niyang minomolestiya ng biktima ang kanyang anak na dalagita sa una niyang asawa.

Matagal na umanong sinisilipan ng biktima at palihim na kinukuhanan ng picture ang dalagita habang ito ay natutulog sa kanilang bahay.

Nagsisi na umano siya sa nangyari at nagawa lamang niya ‘yun dahil hindi niya alam kung saan siya lalapit.

Ayon naman sa mag-amang suspek, naawa lamang sila sa ginang at tinulungan nila sa problema nito.

Inaresto rin ng mga pulis ang isa pang lalaki na siyang naging middleman sa transaksyon ng mga suspek.

Nakakulong na ang lahat ang mga suspek sa Sto. Tomas Police Station at pawang nahaharap sa kasong murder. (NILOU DEL CARMEN)

252

Related posts

Leave a Comment