NAPATAY ang isang mataas na lider ng New People’s Army at apat nitong tauhan sa sagupaan sa Bohol kahapon ng umaga, ayon kay Major General Eric C. Vinoya, commander ng 3rd Infantry (Spearhead) Division.
Ayon kay Maj. Gen. Vinoya, alas-5:30 kahapon ng umaga nang masabat ng mga tauhan ng 47th Infantry Battalion na nagsasagawa ng combat patrol operation sa pamumuno ng isang 2Lt Renato Ballena, ang isang pulutong na Communist Terrorist Group sa Barangay Cabacnitan, Bilar, Bohol.
Nagresulta ito ng agad na palitan ng putok hanggang malagas ang apat sa mga rebelde.
Sa pagtakas ng grupo ay iniwan ang bangkay ng tatlo nilang kasamahan na natagpuan sa clearing operation.
Bandang alas-5:40 ng umaga ay nasabat naman ng nag-aabang na blocking force ng Alpha Coy 47IB ang mga tumatakas na NPA sa bisinidad ng Brgy. Cabacnitan, sa nasabi ring bayan.
Nauwi rin sa sagupaan ang pagtatagpo ng mga ito na ikinamatay ng dalawa pang NPA at ikinasugat ng isang sundalo.
Isa sa mga napatay na rebelde ang vice commanding officer umano ng Sandatahang Yunit Propaganda (SYP) Platoon ng Bohol Party Committee.
Nasamsam ng tropa ng pamahalaan ang mga armas, bala, dokumento at iba pang kagamitan na pinaniniwalaang pag-aari ng mga rebeldeng komunista.
Kaugnay nito, pinasalamatan ni Maj. Gen. Vinoya ang mga residente sa komunidad at maging ang Local Government Units at Local Chief Executives sa pagtuturo sa kinaroroonan ng mga NPA. (JESSE KABEL)
187 