DOH TINUTURUAN ANG MGA LGU NA LUMABAG SA BATAS

KUNG susundin po ng mga Local Government Units (LGUs) ang panawagan sa kanila ng Department of Health na itago o huwag sabihin sa publiko ang brand ng ituturok na bakuna sa mga nais na magpabakuna ay maaring malabag ang itinatadhana ng Freedom of Information (FOI) na inisyu ni Pangulong Duterte sa ilalim ng Executive Order No. 2, Series of 2016.

Malinaw po ang isinasaad ng FOI na karapatan ng mga mamamayan o publiko na malaman o ma-access ang mga official records, documents, mga papeles na nauukol sa mga opisyal na gawin ng mga kinauukulang ahensya para sa mga transactions o decisions, kabilang na rin dyan ang ­government research data used na nakasaad sa Sec. 7 Article. III ng 1987 Constitution. Hindi lamang yan kasama pa diyan ang karapatan ng mamamayan o publiko na malaman din ang mga assets, liabilities, net worth at ang financial at business interests ng mga empleyado at opisyal na nasa pamahalaan.

At kung ililihim sa kanila ng LGUs kung anong bakuna ang ituturok sa kanila, dahil na rin sa pagsunod sa kautusan ng DOH, hindi po ba tinuturuan lang sila na lumabag sa ipinaiiral na EO No. 2, Series of 2016, na nilagdaan mismo ng Pangulong Duterte ilang buwan matapos na siya ay maging Pangulo ng bansa.

Siguro kung kayo man ang lumagay sa katayuan ng mamamayan na nais makatanggap ng libreng bakuna, syempre karapatan na rin nila na malaman yung ituturok sa kanilang bakuna di ba?

Kung dumating man sa punto na namimili ang publiko ng bakuna, iyon po ay karapatan nila dahil ang nais nila ay yung pinakamaganda at pinakamabisa dahil kalusugan nila yung nakataya.

Kaya sa halip na turuan ng DOH ng pagsisinungaling o paglabag sa batas ang mga LGUs dapat nilang gawin ay ang magpalabas ng tamang impormasyon sa lahat ng media outlets para sa anumang brand ng bakuna upang di na kailangang mamili ang publiko ng nais na makatanggap ng COVID-19 Vaccine.

Sino na naman kaya ang napakagaling na opisyal ng DOH ang nag-isip nito? Kayo talaga! Kung hindi sa katiwalian ay nais pa ninyong magsinungaling ang mga LGUs. Di pa ba kayo suyang-suya sa kontrobersya?

Di ba dapat tamang impormasyon na lamang ang ginawa ng DOH upang ‘di na kailangan mamili ang sinumang nais na magpabakuna?

Hoy mga taga DOH! Hindi ninyo masisisi ang mamamayan na matakot at manigurado o magdalawang isip sa pagpapabakuna dahil sa nangyari sa anti-dengue vaccine na Dengvaxia na maraming mga kabataan ang namamatay at patuloy pang tumataas ang bilang ng mga nasawing ­kabataan dahil sila ay naturukan ng dengvaxia vaccine na ang nagpasimuno ay kayo DOH.

Itinurok ninyo ang deng­vaxia vaccine sa kabila ng wala pa palang matibay o clinical trial na nagsasabing ligtas at ma­ayos na gamitin ang dengvaxia vaccine laban sa Dengue!!

Dahil sa pangyayaring yan ay para na tuloy multong kinatatakutan ng mga Pinoy ang anumang bakuna.

Tutulungan ko na lang itong DOH sa pangungumbinsi baka sakaling mabigyang linaw ko pa, sa ating mga “KA-SAKSI.”

Huwag po kayong mag- alala sa anumang bakuna na matatanggap ninyo dahil pare-pareho pong epektibo ang mga yan, dahil kung totoo po na ang mga bakunang ituturok sa inyo ay nakakamatay, di sana’y kakaunti na lang ang mga tao sa Estados Unidos, United Kingdom at iba pang mga bansa na halos naabot na nila yung tinatawag na “HERD IMMUNITY”.

Kaya po huwag na kayong mamili pa ng bakuna dahil lahat po ng mga bakuna na ­dumating sa bansa ay nagkaroon na ng clinical trial at safe po naman lahat ang mga iyan.

Alin po ba ang gusto ninyong pumasok sa katawan ninyo mga “KA-SAKSI” ang COVID-19 virus o bakuna?? Sympre po ang panlaban sa COVID-19 virus, diba??.

Huwag po kayong makinig doon sa mga taong walang ibang inisip kundi ang manggulo sa ating pamahalaan, dahil ang mga yan ay mga “UTAK” terorista at oportunista. Nakita naman ninyo yung iba nagpapa-skedyul para mabakunahan iyon pala’y ibinibenta yung kanilang slot, dapat sa mga ganoong klase ng mga tao turukan ng COVID-19 virus para malaman nila kung gaano kahirap ang mayroong ganoong karamdaman.

227

Related posts

Leave a Comment