SALUDO TAYO SA SERBISYONG MAY PAGMAMALASAKIT SA KINATAWAN NG OWWA AT PAL

NOONG nakaraang Huwebes, Mayo 20, 2021 ay naimbitahan ang inyong lingkod kasama si Senador Bong Go sa programa ng PTV4 na Rise and Shine ni Gani Oro.

Sa naturang programa ay ipinakita nito ang panawagan ng isang inang OFW na kinilalang si My Lyn Dula na nasa Riyadh, Saudi Arabia upang siya ay matulungan sa gastusin sa pangangailangang medikal ng kanyang anak na may hydrocephalus at ito ay nakatakdang operahan sa National Children’s Hospital sa Quezon City.

Katulad ng inaasahan ay mabilis na tinugunan ni Sen. Go ang kahilingan ng pamilya at sinagot nito hindi lamang ang gastusin sa operasyon kundi pati na rin ang kasiguruhan sa pag-uwi nila sa kanilang probinsiya. Tinugunan din ni Sen. Go ang gastusin sa pansamantalang tirahan ng pamilya nito habang sila ay nasa Maynila pa.

Sa hanay naman ng Overseas Workers Welfare ­Administration (OWWA) ay hiniling nito na siya ay ­matulungan na makauwi agad sa Pilipinas upang kanyang personal na mabantayan ang kanyang anak na may karamdaman.

Masakit para sa isang ina na makitang may karam­daman at nahihirapan ang kanyang anak kung kaya labis nating nauunawaan ang kagustuhan ni My Lyn Dula na makauwi agad sa Pilipinas para makapiling ang kanyang anak.

Dahil dito, matapos ang naturang programa ay agad akong nakipag-ugnayan kay Welfare Officer Racquel ­Kunting at aking ipinakiusap na matulungan si OFW My Lyn Dula na makapagpaalam sa kanyang employer.

Si OFW My Lyn kasi ay isang taon at kalahati pa lamang na naka­kapagtrabaho sa kanyang amo, kaya kung tutuusin ay hindi pa nito nagagampanan ang kanyang dalawang taon na kontrata.

Dahil dito ang kanyang employer ay maaring hindi pumayag at kung pumayag man ay malamang na pabayaran kay OFW My Lyn Dula ang lahat nitong ginastos sa ahensya.

Ngunit napakahusay ng ginawang pakikipag-ugnayan ni Welfare Officer Racquel Kunting kung kaya nahimok nito ang employer na payagan itong makauwi muna sa Pilipinas.

Isa pa sa kinaharap na ­problema sa pagpapauwi kay OFW My Lyn ay ang pagbu-book ng eroplano dahil hanggang sa kasalukuyan ay ­punuan ang pasahero na pauwi sa Pilipinas.

Katunayan ang pinaka-maagang available flight ay sa Agosto pa. Ngunit hindi nasiraan ng kalooban si Welfare Officer Racquel Kunting at nagbook ito para sa buwan ng Agosto, ngunit kagabi ay ipinakiusap nito sa Philippine Airlines na maisingit sa flight ” for humanitarian consideration”.

Sa awa at tulong ng Diyos ay nabigyan ng pagkakataon si OFW My Lyn Dula na makasakay sa eroplano nitong Linggo ng gabi at inaasahang nakauwi na sa Pilipinas kahapon. Matapos ang mandatory quarantine na 7 hanggang 10 araw ay personal ng makikita at maaalagaan ni OFW My Lyn Dula ang kanyang anak na si Jolen na kasalukuyang nasa ospital.

Ang AKO OFW ay labis-labis na nagpapasalamat kay Welfare Officer Racquel ­Kunting dahil sa kanyang kabutihang loob at serbisyong may pagmamalasakit. ­Personal pa nitong sinundo si OFW My Lyn Dula sa tahanan ng employer at direktang inihatid sa airport upang masiguro na makakasakay ito kahit na “chance passenger” lamang.

Labis din ang pasasalamat ng AKO OFW sa pamunuan ng Philippine Airlines sa pagkakaloob ng pagkakataon na makapiling ng isang inang OFW ang kanyang anak na may malubhang karamdaman.

oOo

Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa akin sa e-mail ­address saksi.ngayon@gmail.com o drchieumandap@yahoo.com.

223

Related posts

Leave a Comment