ARESTADO sa mga tauhan ni Philippine National Police-Police Regional Office 5 (PNP-PRO5) director, P/Brig. Gen. Jonnel C. Estomo ang isang lalaki na pumatay sa kanyang dalawang batang anak sa bayan ng Baras sa lalawigan ng Catanduanes.
Ayon sa ulat na isinumite kay P/BGen. Estomo ni P/Lt. Col. Edgar Clerigo ng Provincial Community Affairs and Development-Public Information Office ng Catanduanes PNP, tinangka pang malaban ng suspek bago ito nadakip.
Napag-alaman, napatay sa saksak ng suspek ang kanyang dalawang anak na babae na may edad na 8 at 9-anyos sa kanilang bahay sa Barangay Western Poblacion, Baras, Catanduanes noong Miyerkoles ng gabi.
Ayon kay Police Lt. Col. Clerigo, nagresponde ang mga tauhan ng Baras Municipal Police Station makaraang makatanggap ng tawag na may naglaslas umano ng pulso.
Lakit-gulat ng mga awtoridad nang tumambad sa kanila ang nakahandusay na duguang dalawang batang babae.
Nang susubukang kausapin ng mga pulis ang suspek ay bigla silang pinagtangkaang saksakin gamit ang kutsilyo kung kaya pinaputukan ito ng baril at nahagip sa kanang hita.
Isinugod sa Bato Maternity Hospital ang dalawang bata at ang sugatang suspek ngunit idineklarang dead on arrival ang mga biktima.
Kasalukuyang nagpapagaling sa isang ospital sa Bayan ng Virac ang suspek na nahaharap sa kasong double parricide. (JESSE KABEL)
