(NELSON S. BADILLA)
SIMULA na ng laban sa pagkapangulo ng bansa kahit sa Oktubre pa ang paghahain ng certificate of candidacy (COC) ng mga kandidato sa iba’t ibang posisyon sa eleksyong 2022.
Ang nagpasimula ay ang mismong Malakanyang nang isapubliko ni Presidential Spokesman Harry Roque Jr. nitong Hunyo 3 ang posisyon ni Pangulong Rodrigo Duterte na nangunguna ang anak nito na si Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio sa mga pinagpipilian niyang posibleng kandidato sa pagiging pangulo ng bansa sa eleksyon sa Mayo, 2022.
Bukod kay Duterte-Carpio, binanggit din ni Roque ang beteranong alalay ni Pangulong Duterte na si Senador Christopher Lawrence “Bong” Go, dating Senador Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., Senador Emmanuel “Manny” Pacquiao at Manila Mayor Isko Moreno, o Francisco Domagoso sa tunay na buhay.
Sabi ni Duterte, ilang buwan na ang nakalipas, hindi trabaho ng babae ang pagiging presidente ng bansa dahil sobrang hirap na trabaho ito.
Kaya, tiniyak ng pangulo na hindi sasabak sa eleksyon ng mga gustong magpresidente ng Pilipinas sa 2022 ang anak na si Sara.
Ngunit, isinama pa rin ng pangulo sa limang pagpipiliang pambato ng administrasyon ang anak nito na bantog sa tawag na “Inday Sara”.
Nang tanungin naman si Moreno sa isang television program hinggil sa inanunsiyo ni Roque, diretsahang pinitik nito si Sara.
Bagamat hindi tinukoy ang pangalan ni Sara, tinumbok ni Moreno na: “‘Di ako boboto ng magmamana lang ng puwesto”.
“Di ako naniniwala na ang puwesto sa gobyerno, lalo na ang pinakamataas na puwesto, ang qualification ay dapat anak ka ni ganito, anak ka ni ganyan,” patuloy na birada ng alkalde ng kabisera ng Maynila.
Ngayon pa lamang sa kasaysayan ng Pilipinas na magiging pambato ng administrasyon sa pagkapangulo ay ang mismong anak ng presidente ng bansa.
Hindi pa inilalabas ni Moreno ang kanyang plano para sa susunod na halalan.
Ngunit, ‘amoy na amoy’ ng publiko ang kanyang interes na maging pangulo ng bansa mula 2022 hanggang 2028 dahil simula nang maging alkalde si Moreno ay sobrang aktibo at masipag ito sa media.
Isa rin si Moreno sa napipisil ng 1SAMBAYAN, ang bagong tatag na alyansa ng oposisyon para talunin ang kandidato ni Pangulong Duterte sa 2022.
Simula nang lumabas ang unang sarbey sa mga tatakbong pangulo noong Disyembre 2020, nanguna na si Duterte-Carpio.
Ngunit, tiniyak niya sa publiko na hindi siya interesado sa pagkapangulo ng bansa.
Palaging pumapangalawa kay Duterte-Carpio si Marcos, kilala sa tawag na “BBM”.
Ayon kina Albay Rep. Joey Salceda at dating Camarines Sur Rep. Rolando Andaya Jr., siguradong tatakbo sa pagkapangulo ang anak ni Duterte.
Tiniyak ni Salceda na limang partido – politikal ang susuporta kay Duterte – Carpio.
Sabi naman ni Andaya, si dating kongresista at dating kalihim ng Department of National Defense (DND) Gilbert “Gibo” Teodoro ang magiging bise presidente ni Duterte-Carpio.
Sa kanyang pahayag sa kanyang Facebook page, iniyabang ni Andaya na “done deal” na ang tambalang Sara-Gibo sa 2022.
Tumakbo si Teodoro sa pagkapangulo noong halalang 2010 kung saan natalo siya ng kanyang pinsan na noo’y Senador Benigno Simeon Cojuangco Aquino III.
198 