PASLIT HAGIP DIN NG E-SABONG

(BERNARD TAGUINOD)

NAHAHAGIP ng mga e-sabong operator kahit ang mga bata dahil idinadaan sa internet ang pagtaya kaya kabilang ang mga ito sa pinanggagalingan ng P1.8 billion nakukubrang taya kada araw.

Ito ang pahayag ni Deputy Speaker Bienvenido Abante Jr., kaya hindi umano ito dapat ipagsawalang bahala ng Kongreso at kailangang gumawa ng batas na magpoprotekta sa mga kabataan sa online gambling.

Maging ang e-bingo na tulad ng e-sabong ay idinadaan ang pagtaya sa internet ay dapat din umanong bigyan ng atensyon ng Kongreso dahil posibleng maagang masira ang buhay ng kabataan dito.

Ayon sa mambabatas, “dahil online o digital currency ang gamit sa pagpusta sa online sabong, marami ang nalululong sa bisyong ito dahil isang pindot lang ang pagtaya”.

“Ang masakit dito, kahit menor de edad ay nakakataya sa online sabong dahil hindi naman nakikita ng operators o ng PAGCOR (Philippine Amusement and Gaming Corporation) kung sino-sino ang tumataya. Because anyone with a cellular phone can place a bet. Our children; our grandchildren––kahit sino, Mr. Speaker!”

Sinabi pa ng mambabatas na idinadaan ng mga mananaya ang pusta sa digital payments tulad ng GCash, PayMaya at PayPal kaya dapat i-regulate ito ng Kongreso.

“If online gambling such as e-sabong and e-bingo continue unregulated, these social evils will slowly creep into our homes and infect our family members like a new virus––a virus for which there is no vaccine,” ayon pa sa mambabatas.

Kailangang iligtas aniya ang mga kabataang ito dahil hingi lingid sa lahat na maraming buhay ang nasisira sa sugal dahil naging dahilan ito ng paghihiwalay ng mag-asawa, pagbagsak ng kanilang kabuhayan at paggawa ng masama.

Inihalimbawa ng mambabatas ang kaso ng isang pulis na nang-holdup umano matapos mabaon sa utang dahil sa e-sabong.

“Kamakailan, mga kasama, Mr. Speaker, ay mayroong nahuling isang pulis na nangholdap, ano po. At nung siya ay ini-interview, ang sabi

“Bakit ka nangholdap samantalang malaki naman ang sweldo ng mga pulis ngayon?” Ang sabi niya, “Ako po ay baon na sa utang.” “O bakit ka baon sa utang?” “Dahil po sa e-sabong,” ani Abante.

Kung ang pulis aniyang ito na hindi niya pinangalanan ay nasira ang buhay dahil sa e-sabong kahit may regular na kita, mas nangangamba ang mambabatas sa mga bata na nalululong sa naturang sugal.

319

Related posts

Leave a Comment