PULIS, 4 KASABWAT HULI SA ROBBERY-EXTORTION

ARESTADO ang isang pulis at apat na iba pa sa ikinasang entrapment operation ng mga awtoridad dahil sa reklamong extortion at robbery.

Sa ulat na isinumite kay PNP chief Police General Guillermo Eleazar mula kay PNP-Integrity Monitoring and Enforcement Group (IMEG) Director, Brig. Gen. Thomas Frias, nadakip sa kanilang inilunsad na joint entrapment operation si P/CPL Leomar Barizo Calegan, 37, ng Brgy. Maimpis, San Fernando City, Pampanga.

Kasama nitong naaresto sina Marlon Yabut de Guzman, 39, residente ng Danga, Colgante, Apalit; Menard Gaddi Mendoza, 32, ng Sta. Lucia Matua, Masantol; Michael Maniulit, 50 , ng Muzon, Colgante, Apalit at Noel Mendoza Manarang, 23, ng San Vicente, Apalit, pawang sa lalawigan ng Pampanga at mga kasapi ng Truck Ban Traffic Mgt. Office, Apalit.

Ikinasa ang operasyon Biyernes ng hapon sa panulukan ng Quezon Road, Mc Arthur HW at San Simon Exit, Apalit, ng joint team ng 3rd Battalion 35th Special Action Company, Apalit Municipal Police Station at PNP-IMEG-Luzon Field Unit.

Inaresto ang grupo matapos tanggapin ang pera mula sa driver ng dumaang truck. Lingid sa mga suspek, mga tauhan ng IMEG ang sakay ng truck na nagpanggap na porter. (JESSE KABEL)

240

Related posts

Leave a Comment