Gobyerno, private sector hinimok LIBRENG BISIKLETA SA MAHIHIRAP NA MANGGAGAWA

HINIMOK ni Senador Grace Poe ang gobyerno at pribadong sektor na bigyan ng bisikleta ang mahihirap na mga manggagawa para mapadali ang kanilang biyahe at hindi na kailangan pang makipagsiksikan sa mga pampublikong sasakyan.

“Sa ganitong paraan, maaari nating mapakilos ang daan-daang libo nating mga kababayan nang hindi kailangang maghintay nang matagal,” pahayag ni Poe.

Ang mga pre-owned at namintinang gawang Japan na mga bisikleta ay mabibili lang online sa halagang P2,500 hanggang P3,000.

“Para sa mga manggagawang umaasa sa arawang kita, ang halagang ito ay hindi abot-kaya,” saad ni Poe.

Hinikayat niya ang pamahalaang bumili ng bulto-bultong bisikleta at gamitin ang P1.316 bilyong pondo para sa mga sidewalk, bike lane, bike-sharing at lending program sa ilalim ng Republic Act 11494 o Bayanihan to Recover as One Act.

Bilang subsidiya sa mga manggagawa, ang pamimigay ng bisikleta ay maaaring pondohan mula sa ilang mga pandemic mitigation program sa national budget, sabi ni Poe.

“Kesa pera, pwede kasi ibang klaseng CCT—Cycles for Citizens Transfer—na mas mainam. Nakatanggap ako ng sulat mula sa isang manggagawa na nagsabing ang kailangan nila ay ibang 4Ps, na tinawag niyang “Pedal Project sa Panahon ng Pandemya,” lahad ng senadora.

Batay sa datos, ang Pilipinas ay may 2.1 milyon unit ng imported na bisikleta noong 2020, doble ito sa 1.1 milyong unit na naitala noong 2019.

“Kung tama ang mga ad na P3,300 ang presyo ng isa, ang P100-milyong alokasyon ay makapagbibigay mobilidad sa 33,400 na mga manggagawa,” ayon kay Poe.

“Habang patuloy tayong naglalagay ng mga bike lane, tapatan natin ito ng pagkakaloob ng mga bisikleta para sa mga mahihirap nating manggagawang nagdurusa sa pagpapalipat-lipat sa mga pampublikong transportasyon. Ligtas pa, kasi sa mga siksikan na sasakyan, baka seatmate mo si corona,” dagdag pa ni Poe. (DANG SAMSON-GARCIA)

130

Related posts

Leave a Comment