AGAD tumawag ng alarma at nagkasa ng Oplan Kandado ang mga awtoridad makaraang tambangan ng dalawang hindi kilalang mga suspek ang isang police officer sa Capas, Tarlac nitong Martes ng umaga.
Kinilala ni P/Lt. Col. Rey Meimban Apolonio ang biktimang si P/Cpl. Mike Maun na mabilis na isinugod sa pinakamalapit na ospital.
Ayon sa ulat ng Tarlac Police Provincial Office, nangyari ang insidente dakong alas-6:40 ng umaga sa Barangay Cristo Rey sa bayan ng Capas.
Habang minamaneho ng biktima ang kanyang sasakyan sa nabanggit na lugar, nang bigla siyang harangan ng itim na Toyota Sedan na may plakang ZEW 568.
Bunsod nito, napilitang ihinto ng biktima ang kanyang sasakyan. Mabilis namang bumaba ang dalawang suspek at pinaulanan ng bala ang sasakyan ng biktima.
Pagkaran ay mabilis na tumakas ang mga suspek patungo sa direksyon ng Concepcion, Tarlac.
