Mga suspek sa Masbate explosion 3 NPA NAPATAY SA HOT PURSUIT OPS

TATLONG kasapi ng New People’s Army ang napatay ng pinagsanib na pwersa ng Philippine Army 9th Infantry Division at PNP-Police Regional Office 5 na tumutugis sa isang pulutong ng communist terrorist group na nasa likod ng pagpapasabog sa Masbate kamakailan.

Sa inisyal na impormasyong ibinahagi ni AFP Southern Luzon Command (SOLCOM) commander, Lt. Gen Antonio Parlade, isang hot pursuit at law enforcement operation ang inilunsad ng pinagsamang mga tauhan ng 9th ID at PNP-PRO5 laban sa mga rebelde sa Masbate City.

Bandang alas-5:30 noong Lunes ng umaga nang masabat ng Scout Platoon 91D, Philippine Army at PNP ang tinutugis na mga NPA, sa tulong ng mga residente, sa bisinidad ng Barangay Anas, Masbate City.

Nakasagupa ng mga tropa ng pamahalaan ang 30 NPA terrorists sa ilalim ng pamumuno ng isang Arnold Rosero alyas “Star” at nagkaroon ng mahigit 15 minutong sagupaan bago nagwatak-watak ang mga rebelde para tumakas at inabandona ang bangkay ng tatlo nilang kasamahan,

Nakuha sa encounter site ang bangkay ng tatlong rebelde, tatlong M16 armalite rifle at isang M14 armalite rifle.

Habang nagpapatuloy ang hot pursuit operation laban sa tumakas na mga NPA, ng mga elemento ng Scout Platoon 2 Infantry Battalion, 903rd Brigade 9ID katulong ang mga operatiba ng PNP-PRO5 at CAFGU Active Auxiliaries bilang guide, nadiskubre ang 12 high powered firearms na itinago ng tumakas na mga NPA, na binubuo ng labing-isang M16 rifles at isang M653 rifle sa isang kubo sa hangganan ng Brgy. Anas at Brgy. Bolo sa Masbate City.

Magugunitang isang roadside bomb na hinihinalang itinanim ng mga NPA, ang sumambulat pagdaan ng grupo ng bikers na ikinamatay ng FEU football player na si Keith Absalon at ng 40-anyos nitong pinsan na si Nolven habang sugatan naman ang anak ng huli. (JESSE KABEL)

146

Related posts

Leave a Comment