9-ANYOS PATAY SA FAMILY OUTING

CAVITE – Nauwi sa trahedya ang sana’y masayang outing ng pamilya at kanilang kamag-anak nang mamatay ang isang 9-anyos na batang babae habang sugatan ang lima pang mga biktima nang bumulusok sa pababang kalsada ang kanilang sinasakyang tricycle sa bayan ng Magallanes sa lalawigang ito, noong Sabado ng umaga.

Isinugod sa San Lorenzo Ruiz Hospital sa Naic ang biktimang si Jazz, 9-anyos, ngunit hindi umabot nang buhay.

Nasa maayos nang kalagayan ang mga nasugatan na sina Madel Epe, 22; isang 12-anyos na lalaki; isang 9-anyos na babae; isang 2-anyos na babaeng paslit at ang driver ng tricycle na si Loida Pontanes, 43-anyos.

Ayon sa ulat ni P/SSgt. Armando Perez ng Magallanes Police, patungo ang mga biktima sa kanilang outing dakong alas-9:45 noong Sabado ng umaga sa Brgy. Tua, Magallanes.

Lulan ang mga ito ng tricycle na minamaneho ni Pontanes ngunit pagdating sa pababang bahagi ng kalsada ay nawala sa kontrol ang manibela kaya bumulusok pababa na nagresulta sa pagkamatay ni Jazz at pagkasugat ng iba pang mga biktima. (SIGFRED ADSUARA)

191

Related posts

Leave a Comment