APAT na mga kasapi ng teroristang Abu Sayyaf Group (ASG) ang napatay kasama ang kapatid ni ASG leader Mundi Sawadjaan na itinuturong utak sa kambal na pagsabog sa Jolo, Sulu, sa engkwentro ng militar at mga terorista nitong Linggo ng madaling araw.
Ayon sa Joint Task Force Sulu, apat na mga miyembro ng ASG ang namatay sa engkwentro sa Barangay Alat, Jolo, Sulu.
Sinabi ni JTF Sulu at 11th Infantry Division commander, Major General William Gonzalez, magsisilbi ng warrant of arrest ang mga tauhan ng JTF Sulu at pulisya sa ASG sub-leader na si Yadah nang mangyari ang sagupaan na ikinamatay ng apat na mga bandido bandang alas-2:00 ng madaling araw.
Dead on the spot ang ASG sub-leader na si Yadah kasama ng mga tauhan nitong sina alyas Raup, ang bunsong kapatid ni Mundi na si Al-al Sawadjaan, at isang hindi pa kilalang terorista.
Si Yadah ay kabilang sa mga serye ng pagdukot sa limang Indonesian nationals sa karagatan ng Malaysia noong 2020 gayundin sa isang Filipino-American sa Zamboanga del Norte noong 2018. (JESSE KABEL)
214 