QUEZON – Arestado ang isang nagpakilalang hitman matapos na hingian ng pera ang kanyang bibiktimahin sa bayan ng Sariaya sa lalawigang ito.
Nadakma sa ikinasang entrapment operation ng mga tauhan ng Sariaya Police noong Sabado ang suspek na si Melchor Austria, 67, taga Brgy. Masin Sur, bayan ng Candelaria.
Batay sa report ng pulisya, tinawagan ng suspek sa cellphone ang biktimang si Ronald Sucgang, 54, plant manager ng Green Rock Aggregates sa Sariaya.
Ayon sa biktima, hiningian siya ng P200,000 ng suspek at kung hindi magbibigay ay lilikidahin umano ito.
Dahil sa takot ay nagbigay ang biktima ng paunang P10,000 at saka nagsumbong sa mga pulis.
Agad ikinasa ang entrapment sa Barangay Sampaloc sa Sariaya at matapos maiabot ng biktima sa suspek ang P41,000 marked money ay inaresto ito ng mga pulis.
Nakakulong na ang suspek sa Sariaya Police Station at sasampahan ng kaukulang kaso. (NILOU DEL CARMEN)
166 