POSITIBO ang Malakanyang na mas bibilis ang pagbabakuna ngayon at hindi lang sa Pfizer umaasa ang pamahalaan para makamit ang tinatawag na population protection o herd immunity.
Tugon ito ni Presidential spokesperson Harry Roque sa ulat na makatutulong sa bansa ang 40 million Pfizer doses na darating sa Oktubre para makamit ang herd immunity bago matapos ang taon.
“Well, unang-una, hindi naman tayo umaasa lang sa Pfizer para doon sa tinatawag nating population protection. Patuloy po ang ating pagbabakuna at kanina nga po binasa ko ‘no, mahigit 8 milyon na iyong ating nabakunahan. At siguro kung pagdating nila ng Agosto at magtuloy-tuloy ang trend ‘no, eh maghihigit pa tayo sa 12 million by the time we start using iyong Pfizer na binili natin,” ayon kay Sec. Roque.
“Pero napakita na rin natin na 322,000 a day jabs ay kaya natin, so iyong ating target po na 500,000, hindi po impossible iyon. Ang ating sinisiguro lang iyong sapat na supply para nga tuluy-tuloy na iyong 500,000 a day na posibleng mangyari dahil nasa 322,000 doses iyong pinakamarami nating naturok. So sabihin natin na iyong komputasyon ko nga po, kung 500,000 a day at mayroon tayong 40 million na parating, eh ang first dose po niyan ay 20 million. Eh ang sampung araw po ay 5 million, so in 20 days ay tapos po iyong first jab para sa paparating na 40 million na Pfizer,” dagdag na pahayag nito.
Binigyang diin nito na malapit na ang pamahalaan sa ‘goal’ nito.
Dahil dito, walang itutulak na bagong petsa ang pamahalaan para makamit ang herd immunity. (CHRISTIAN DALE)
161 