SUPORTA SA ILOILO VS COVID-19 BILISAN

HINILING ni Senador Grace Poe sa Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases na kumilos kaagad sa apela ng lalawigan ng Iloilo at iba pang high-risk local government na punan ang kakulangan ng resources para sa pagtugon sa COVID-19 sa harap ng dumaraming pasyente.

Ipinarating ni Poe ang kahilingan ng ilang local executives sa labas ng National Capital Region na ikinokonsiderang COVID hotspots, na gawing prayoridad sa distribusyon ng bakuna upang mapigilan ang pagkalat ng virus sa ilang lalawigan.

“While there aren’t enough vaccines yet for everybody, those who need them most should get them first, including our people in the provinces like Iloilo,” ayon kay Poe.

Nakararanas ang ilang lugar ng pagtaas ng kaso ng COVID kaya unti-unting nagkukulang sa medical personnel, kuwarta, kama at iba pang kagamitan upang tugunan ang pangangailangan ng pasyente, ayon sa ulat.

Sa kaso ng kanyang hometown na Iloilo, tinukoy ni Poe ang paghingi ng tulong ng Iloilo Medical Society mula sa pambansang pamahalaan hinggil sa mas maraming gamot, bakuna at medical frontliners dahil unti-unti nang napupuno ang hospital beds at naantala ang pagbabayad ng Philippine Health Insurance Corp. (ESTONG REYES)

199

Related posts

Leave a Comment