MAGUINDANAO – Nasabat ng mga awtoridad ang iba’t ibang hindi lisensyadong baril, magazine, bala at ilegal na droga mula sa limang mga suspek sa Barangay Tukanalipao sa bayan ng Mamasapano sa lalawigang ito.
Kinilala ang mga arestado na sina Benjar Rajahpandalat, Datu Pong Mohammad, Pogi Abdullah, Theng Kiladan at Said Nanding na lulan ng isang itim na Toyota Hilux (DAJ 9972) at isang kulay asul na XRM (MC 3669 LK) nang madakip ng pinagsanib na pwersa ng 33rd Infantry (Makabayan) Battalion, 1st Mechanized Battalion at pulisya ala-1:00 ng hapon noong Biyernes.
Ayon kay Lieutenant Colonel Benjamin Cadiente Jr., commanding Officer ng 33IB, nasabat ng tropa ng mga sundalo sa mga suspek ang isang 5.56mm M16 rifle (Bushmaster), dalawang caliber .45 pistol, ilang drug paraphernalia, mga bala at iba pa.
Agad namang pinuri ni Major General Juvymax R. Uy, commander ng 6th Infantry Division at Joint Task Force (JTF) Central, ang pagkakadakip sa mga suspek.
“The dedication of government forces to address the issue of loose and unlicensed firearms will eventually have an impact against lawlessness in Central Mindanao,” wika ni MGen. Uy. (BONG PAULO)
313 