MAGUINDANAO – Patay ang isang grade six pupil habang kritikal naman sa pagamutan ang dalawang kasama nito matapos ang nangyaring banggaan ng tatlong sasakyan sa Barangay Bugawas, sa bayan ng Datu Odin Sinsuat sa lalawigang ito.
Kinilala ang nasawi na si Ahmad Alyamani, 17, habang kritikal naman sa pagamutan ang kanyang kambal na si Mahmo Alyamani at isang 3-anyos na bata.
Ayon sa kaanak ng nasawi, nagkayayaan ang tatlo na maligo sa dagat at sumakay sa payong-payong, isang motorsiklo na may sidecar at payong.
Nabatid sa imbestigasyon ng Datu Odin Sinsuat PNP, magkasalubong sa opposite na direksyon ang kotse at payong-payong ngunit biglang nabangga ng kotse ang isang motorsiklo sa harapan nito dahilan upang silang lahat ay nagkasalpukan, dakong alas-10:00 ng umaga noong Hunyo 25.
Sa lakas ng salpukan ay humiwalay ang motor sa sidecar habang parehong nawasak ang harapan ng kotse at motorsiklo.
Samantala, nakatakas naman ang driver ng kotse na hindi pa nakikilala habang ang motorsiklo ay minamaneho ni Hood Israel Mohammad na taga Cotabato City at angkas nito na si Bainambai Guiamalo na taga Barangay Sapalan, Datu Odin Sinsuat na himala namang hindi nasugatan.
Patuloy na inaalam ng mga awtoridad ang pagkakakilanlan ng driver ng kotse habang hinihintay ang posibleng pagdemanda ng mga kaanak ng namatay sa insidente. (BONG PAULO)
183 