BULACAN TOWN MAYOR POSITIBO ULI SA COVID-19

MAKARAAN ang mahigit tatlong buwan mula nang makarekober sa coronavirus disease-2019 (COVID-19) ay muling nagpositibo sa nasabing virus ang alkalde ng San Ildefonso, Bulacan.

Sa kanyang social media post nitong Lunes ng umaga, inamin ni Mayor Carla Galvez-Tan na muli siyang nagpositibo sa COVID-19 makaraang sumailalim sa RT-PCR test at isasailalim muli sa 14 to 20-day home quarantine.

Magugunitang noong Marso 17, 2021 nang umang magpositibo sa COVID-19 si Mayor Tan at matapos ang 14-day home quarantine ay gumaling ngunit dahil sa patuloy na walang tigil na trabaho bilang punong bayan ay muling nakaranas ng mild symptoms kaya nagpasyang magpa-swab test.

Base sa inilabas na RT-PCR test result nitong Lunes ng umaga, lumabas na positibo uli ang alkalde at kailangan muling sumailalim sa home quarantine.

“After being so careful and health conscious dahil ayoko na maospital kase ang hirap, my immune system gave up on me again… stress, pagod at puyat iwasan po natin. I’m ok po, no worries po sa mga nag-aalala.

“Nakikiusap din po ako na mag-quarantine ang mga nakasalamuha ko simula noong Miyerkoles,” pahayag ng alkalde sa kanyang Facebook account.

Upang masiguro at maproteksyunan ang mga taong kanyang nakasalamuha, pinaalalahanan ni Tan ang mga ito na obserbahan ang kanilang mga sarili at sumailalim na sa 14-day quarantine.

Nagsasagawa na ng contact tracing ang municipal health personnel base sa direktiba ni Mayor Tan.

Isasailalim din sa disinfection procedure ang tanggapan ng alkalde at pansamantalang sususpendihin ang office works dito habang ilalagay naman sa skeletal workforce scheme ang ilan sa mga tanggapan sa nasabing munisipalidad.

Kabilang sa mga mayor sa nabanggit na lalawigan na nagpositibo rin sa COVID-19 at nakarekober mula nang magsimula ang pandemic noong nakaraang taon ay sina Baliuag Mayor Ferdie Estrella, Bulakan Mayor Vergel Meneses, Bocaue Mayor Jose Santiago, Balagtas Mayor Eladio Gonzales Jr., at Sta. Maria Mayor Russel Pleyto.

Hindi rin nakaligtas sa naturang virus at nahawa sina First District Congressman Jose Antonio Sy-Alvarado at 4th District Congressman Henry Villarica gayundin si Governor Daniel Fernando. (ELOISA SILVERIO)

140

Related posts

Leave a Comment