2 TINEDYER, 8 PA HULI SA CAVITE BUY-BUST

CAVITE – Dalawang binatilyo at walong iba pa ang dinampot ng Cavite Police sa ikinasang buy-bust operation sa magkakahiwalay na lugar sa lalawigang ito, noong Linggo ng gabi.

Ayon sa ulat ng Cavite Police Provincial Office (PPO), dakong alas-4:00 noong Linggo ng hapon nang bitbitin si alyas Cyrus, 17, ng Dasmariñas City, Cavite sa buy-bust operation sa Brgy. Paliparan 3 ng naturang Lungsod.

Kasama ring inaresto ang barkada nitong si John Lester Dichosa, 19, na nakumpiskahan ng pitong piraso ng pinatuyong dahon ng marijuana.

Dakong alas-6:00 naman noong Linggo ng gabi nang muling magsagawa ng buy-bust operation ang Dasmariñas CPS sa Brgy. Paliparan 3, at nadakip si alyas King, 17, at dalawa pang kasama nitong sina Lito Manlapaz at Rosemary Colis, ina ni alyas King, at nakumpiska sa mga ito ang limang sachet ng hinihinalang shabu.

Sina alyas Cyrus at alyas King ay nasa pangangalaga na ng Dasmariñas City Social Welfare and Development (MSWD) habang ang mga kasama nila ay nasa regular na kulungan.

Bukod sa mga nabanggit, limang iba pa ang naaresto sa Trece Martires City, General Mariano Alvarez at Amadeo sa nabanggit na lalawigan. (SIGFRED ADSUARA)

136

Related posts

Leave a Comment