Isang dekadang pagtatago nagwakas sa tropa ni RD Estomo MAG-ASAWANG WANTED SA MURDER NASUKOL

WINAKASAN ng mga tauhan ni PNP-PRO5 Regional Director P/BGen. Jonnel C. Estomo ang 13 taong pagtatago ng mag-asawa na kapwa itinuturong responsable sa pagpatay sa isang lalaki.

Nahuli nitong Lunes ng madaling araw sa inilunsad na law enforcement operation ang mga suspek na sina Allan Quinito Verganio, 39, magsasaka, una sa listahan ng municipal most wanted persons ng Pasacao MPS; at Minda Quinito y Barrameda, 35, pangalawa naman sa talaan ng municipal most wanted persons, kapwa residente ng Zone 10A, Brgy. Caranan, Pasacao, Camarines Sur.

Armado ng warrant of arrest tinungo ng pinagsamang mga operatiba ng Labo MPS; Pasacao MPS, Camarines Norte 2nd Provincial Mobile Force Company, 94th Special Action Company, Camarines Norte Provincial Intelligence Unit (CN PIU), Camarines Norte Maritime Police Station (CN MARPSTA), Camarines Norte Crime Investigation and Detection Team (CN CIDT), Camarines Sur Maritime Police Station (CS MARPSTA) at ng Camarines Sur Provincial Mobile Force Company (1st CS PMFC) ang kinaroroonan ng mga suspek sa Zone 10A, Brgy. Caranan, Pasacao, Camarines Sur

Bandang alas-2:30 ng madaling araw nang arestuhin ang dalawa sa kasong murder na nakapaloob sa criminal case number 08-1640, sa bisa ng warrant of arrest na nilagdaan ni Hon. Alm Balilio-Operio, presiding judge ng RTC Branch 64, Labo, Camarines Norte noong ika-11 ng Abril 2017.

Ayon sa ulat mula sa Camarines Norte Police Provincial Office, taong 2008 nang pinagtataga umano ng mag-asawa pati na rin ng ama ni Allan, ang biktima na naging sanhi ng agarang pagkamatay nito.

Ang ama ni Allan na si Dante Quinito y San Juan ay unang naaresto taong 2009 para sa parehong kaso.

Binigyan naman ng pagkilala ni P/BGen. Estomo ang kanyang mga tauhan sa matagumpay na pagkahuli sa mga suspek.

“Ako ay nagagalak sa pagkakahuli sa mga suspek, matagal man ang naging pagtatago ng dalawa ngunit hindi ito naging dahilan upang sumuko tayo, bagkus ito ay naging motibasyon pa natin upang mas pagbutihin ang ating trabaho para mahanap at pagbayarin ang mga ito,” pahayag ni P/BGen. Estomo. (JESSE KABEL)

145

Related posts

Leave a Comment