PAGSUGPO SA HUMAN TRAFFICKING PAIGTINGIN

BAGAMA’T napanatili ng Pilipinas ang “Tier 1” na status mula sa U.S. State Department para sa pagpapatupad ng minimum standards sa pagsugpo sa human trafficking, iginiit ni Senador Win Gatchalian ang pangangailangan ng mas maigting na kampanya laban sa lahat ng anyo ng human trafficking, kabilang na ang online sexual exploitation of children (OSEC).

Ayon sa 2021 Trafficking in Persons Report ng U.S. State Department para sa Pilipinas, may nahatulang higit pitumpu (73) sa ilalim ng anti-trafficking act at mga kaugnay na batas. Karamihan sa mga ito ay nahuling nagsagawa ng sex trafficking sa mga bata, kabilang ang dalawampu’t limang (25) nang-abuso ng mga bata gamit ang internet.

Dagdag ng ulat, may mahigit isang libong (1,205) mga biktima ang nabigyan na ng tulong ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), kabilang ang mahigit isang daan at limampung (157) biktima ng OSEC.

Noong nakaraang taon ay inihain ni Gatchalian ang Senate Bill No. 1794 na naglalayong palakasin ang Republic Act No. 9208 na una nang naamyendahan ng Republic Act No. 10364 (Expanded Anti-Trafficking in Persons Act of 2012). Nais ng panukalang batas na magbigay ng mga pamantayan sa mga imbestigasyon, pagharang, at pag-uusig sa iba’t ibang anyo ng human trafficking, kabilang ang pang-aabusong sekswal, prostitusyon, at pornograpiya. (ESTONG REYES)

174

Related posts

Leave a Comment