TAHASANG nanawagan sa publiko ang pinakamalaki at malawak na alyansa ng mga unyon at pederasyon ng mga manggagawa sa bansa na tapusin na ang ‘paghahari’ ni Pangulong Rodrigo Duterte sa 2022.
Idiniin din ng NAGKAISA Labor Coalition, ang katagang “ENDOterte” bilang pagtatapos sa pamumuno ni Duterte.
Ang “ENDO” ay hinalaw sa panawagan ng NAGKAISA sa administrasyon na tuldukan ang sistemang “kontraktuwalisasyon” sa mga manggagawa dahil hindi binibigyang pagkakataong maging regular ang mga manggagawa sa mga kumpanyang kanilang pinapasukan at hindi rin nasusunod ang sahod na itinakda ng Minimum Wage Law.
Idinugtong ang “terte” mula sa apelyidong Duterte upang makumpleto ang “ENDOterte”.
Kaakibat ng kanilang panawagan ang pagbasura kay Duterte sakaling totohanin nito ang pagtakbo bilang bise – presidente ng administrasyon, o ng Partido Demokratiko Pilipino – Laban ng Bayan (PDP – Laban).
Ang panawagan ng NAGKAISA ay reaksyon sa inanunsiyo ni Duterte na ‘seryoso’ niyang ikinokunsidera ang paglahok sa eleksyon ng mga naghahangad maging pangalawang pangulo ng bansa sa Mayo 2022.
Idiniin ng NAGKAISA chairman na si Atty. Jose Sonny Matula na walang karapatang maghangad pa si Duterte ng posisyon sa pamahalaan dahil sa kanyang “dismal performance as president characterized by grave abuse of workers’ and human rights; and very poor pandemic response”.
Kumbinsido ang NAGKAISA na maraming nagawang krimen si Duterte sa mga manggagawa, kabilang na ang tahasang paglabag sa kanilang karapatang pantao, pagpaslang sa mga labor leader at union organizer.
“We are already tired of Duterte’s ‘kill, kill, kill’ language and cursing. We are not slaves or subjects of a notoriously criminal king. We deserve respect as humans and as workers from our leaders”, ratsada ni Matula.
Ang pinamumunuan ni Matula na Federation of Free Workers (FFW) ay kasapi ng NAGKAISA.
Kasama rin sa NAGKAISA ang Partido Manggagawa (PM) at Nagkakaisang Sentro ng mga Progresibong Manggagawa (SENTRO).
Tinuran ni Matula na ang kanyang pananatili sa estado-poder, sa pamamagitan ng pagiging bise – presidente, ay “insult to at least 30,000 families he left without mothers, fathers, brothers, sisters and children in his bloody war on the poor”.
“This is a treacherous ploy to circumvent the constitution and to perpetuate oneself to power,” bigwas naman ni Renato Magtubo, tagapagsalita ng NAGKAISA at tagapangulo ng PM.
Hinambalos naman si Duterte ng pangkalahatang – kalihim ng SENTRO na si Joshua Mata sa ganitong mga salita: “This only proves how fearful he is of losing power. After all, he knows he’s facing possible jail time for all the atrocities he committed”. (NELSON S. BADILLA)
277 