Api-apihan para pagtakpan ang mga kasalanan – solons TAUMBAYAN NILILINLANG NG ABS-CBN

(BERNARD TAGUINOD)

KINASTIGO sa mababang kapulungan ng Kongreso ang pamumuan ng ABS-CBN dahil pinalalabas ng mga ito na sila ay inapi pero hindi isinaalang-alang ang paglabag nila sa Saligang Batas at panlilinlang sa taumbayan.

Sa isang radio program nina Anakalusugan party-list Rep. Mike Defensor at Deputy Speaker Rodante Marcoleta, hindi matanggap ng huli na hanggang ngayon ay hindi inaamin ng ABS-CBN na ang dahilan ng pagpatay sa kanilang prangkisa ay ang kanilang mga paglabag sa batas.

Noong Sabado (Hulyo 10), ang unang taon mula nang ibasura ng 70 congressmen ang franchise application ng ABS-CBN dahil sa paglabag umano ng mga ito sa kanilang prangkisa, labor law, hindi pagbabayad ng tamang buwis at iba pa.

“Eto double standard na hindi matanggap na para bang sila pa ang bida dito at ginawa nilang kontrabida yung 70 congressmen bumoto laban sa kanilang prangkisa,” ani Marcoleta.

Hindi umano inaamin ng ABS-CBN na nilinlang nila ang taumbayan na pinagkakitaan sa ilegal na paraan subalit pinalalabas ng mga ito na kapamilya nila ang mga Filipino.

“Ang buong akala ng taumbayan ay nakakagawa sila ng mabuti. Hanggang ngayon pinipilit nila ipinapahayag na ang mamamayan ay kapamilya nila at pinagsisilbihan nila nang buong katapatan,” ani Marcoleta.

“Pero sa katotohanan nalinlang sila dahil nga free to air ang frequency eh, ang ginawa nila ay siningil nila ang taumbayan at pinalilitaw nila na nagsisilbi pa sila sa taumbayan,” dagdag pa ng mambabatas.

Itinanggi naman ni Defensor na namatay ang press freedom nang patayin ng Kongreso ang prangkisa ng ABS-CBN.

Sinabi ni Defensor na mismong ang House committee on legislative franchises ang nagsabi na ang pagbasura sa franchise application ng ABS-CBN ay “in no way related to freedom of the press” kundi dahil hindi lang ang prangkisa ng mga ito ang nilabag nila kundi ang Saligang Batas na nagbabawal sa mga broadcast company na pamunuan ito ng isang dayuhan.

Ang tinutukoy ni Defensor ay si Gabby Lopez na isang American Citizen subalit siya ang namuno sa nasabing broadcast company bukod sa ibinenta sa mga dayuhan ang kanilang PDRs o Philippine Depository Receipts.

Kung namatay aniya ang press freedom, hindi na sana malayang nagbo-broadcast ang iba pang network na walang paglabag sa kanilang prangkisa at nagbabayad ng tamang buwis.

188

Related posts

Leave a Comment