Solon kay Sec. Roque sa pag-ere ng PDP-Laban meeting PTV 4 ‘DI NETWORK NG MALACAÑANG

“PALUSOT!”

Ganito inilarawan ni Bayan Muna party-list Rep. Carlos Zarate ang depensa ni Presidential spokesman Harry Roque na ‘newsworthy’ ang pulong ng PDP-Laban na inere ng government assets na PTV 4.

“Nagpapalusot na lang ang Malakanyang dahil napulaan ang kanilang paggamit ng rekurso ng mamamayan para sa pagtakbo sa susunod na eleksyon ng kanilang mga kandidato,” ani Zarate.

Ayon sa mambabatas, walang karapatan ang PDP-Laban lalo na si Pangulong Rodrigo Duterte na gamitin ang PTV 4 na pag-aari ng sambayanang Filipino para sa kaniyang interes pampulitika.

Magugunita na noong Miyerkoles ay inere ng PTV 4 ang dalawang oras na pulong ng PDP-Laban kung saan kinukumbinsi si Duterte ng mga miyembro ng partido na tumakbo bilang pangalawang pangulo sa 2022 election.

Hindi ito nagustuhan ni Zarate dahil pera ng bayan ang nagpapatakbo sa nasabing istasyon at bagama’t ang tungkulin ng nasabing TV station ay iulat ang mga nangyayaring magaganda sa gobyerno ay hindi kasama rito ang pulitika ng sinomang politiko at partido.

“Ang PTV 4 ay hindi pribadong network ng Malacañang o ng isang partido,” dagdag pa ng mambabatas kaya dapat umanong itigil ang paggamit sa nasabing istasyon para ibenta ang kandidatura ni Duterte at sinomang politiko sa bakuran ng pangulo.

Kung bibilhin umano ang katuwiran o depensa ni Roque, nakapagtataka na tanging PDP-Laban ang pinag-aaksayahan ng pera ng bayan gayong hindi naman ineere ang pulong ng ibang partido at grupo ng mga politiko.

“If one is to follow the logic being used by Harry Roque, then why is it that Vice President Leni Robredo’s meeting with the Liberal Party or Senate President Tito Sotto’s meetings with the Nationalist People’s Coalition or other high officials are not aired live by PTV 4?” tanong ng mambabatas.

Dahil dito, dapat aniyang itigil na ng Malacañang ang paggamit sa assets ng gobyerno sa pagsusulong ng kanilang pansariling interes dahil sa tingin ng mambabatas ay walang pakinabang dito ang sambayanang Filipino na siyang may-ari sa nasabing istasyon. (BERNARD TAGUINOD)

 

174

Related posts

Leave a Comment