Suspek sa kidnapping at pamumugot 2 ABU SAYYAF NADAKIP SA TAGUIG

NAGBABALA si National Capital Region Police Office (NCRPO) chief, P/Major General Vicente Danao sa publiko na maging mapagmatyag sa kanilang paligid dahil sa posibleng presensya ng mga miyembro ng Abu Sayyaf Group sa Metro Manila.

Ginawa ng NCRPO chief ang babala makaraang maaresto ang dalawang miyembro ng ASG na sangkot sa kidnapping at pagpugot ng ulo sa ilang banyaga, pagdukot sa tatlong banyaga at isang Pinay sa Samal Island, at iba pang mga insidente ng pagdukot ng ASG.

Kinilala nina Danao at SPD director, P/Brig. Gen. Jimili Macaraeg ang dalawang arestado na sina Taupij Galbun alyas “Pa Wahid,” 40-anyos, at Saik Galbun alyas “Pa Tanda,” 42-anyos.

Sinabi ni P/Maj. Gen. Danao, nagtrabaho ang mga suspek bilang construction worker at nanunuluyan sa Sitio Imelda, Bicutan, Taguig City.

Binigyang-diin ni P/Maj. Gen. Danao, base sa kanilang imbestigasyon, pumapasok ang ilang miyembro ng ASG bilang security guard at delivery boy para makapagtiktik sa gobyerno at posibleng makapagsagawa ng terrorist attack.

Gayunman, wala aniyang malinaw na koneksyon ang pananatili sa Metro Manila ng dalawang ASG member sa gaganaping SONA ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Lunes, Hulyo 26.

Ang dalawang suspek ay naaresto noong Hulyo 10, Sabado, sa bisa ng anim na arrest warrants dahil sa kasong kidnapping at murder. (DAVE MEDINA)

181

Related posts

Leave a Comment