TARGET ni KA REX CAYANONG
SA panahon ngayon na patuloy na humaharap ang bansa sa samu’t saring hamon sa ekonomiya, malinaw na ang mga micro, small, and medium enterprises o MSMEs ang isa sa pinakamahalagang sandigan ng kabuhayan ng milyun-milyong Pilipino.
Sila ang bumubuhay sa lokal na ekonomiya, nagbibigay ng trabaho, at nagsisilbing inspirasyon ng sipag at tiyaga ng karaniwang mamamayan.
Ngunit sa kabila nito, marami pa rin sa kanila ang kapos sa sapat na suporta at oportunidad upang higit pang lumago.
Dito pumapasok ang mahalagang papel ng 4K Party-list sa pangunguna ni Rep. Iris Montes sa pagsusulong ng House Bill No. 4828.
Isang napapanahon at makabuluhang panukala na naglalayong gawing mas moderno, mas episyente, at mas kapaki-pakinabang ang mga Negosyo Center para sa maliliit na mga negosyante sa buong bansa.
Hindi sapat na basta lamang magkaroon ng negosyo ang isang Pilipino. Mahalaga ring matiyak na mayroon silang sapat na kaalaman, mentorship, at access sa mga serbisyong makatutulong upang mapalawak at mapatatag ang kanilang kabuhayan.
Aba’y sa pamamagitan ng panukalang ito, mas mapalalakas ang business counseling, skills development, at iba pang suporta na tunay na kailangan ng MSMEs upang makasabay sa makabagong takbo ng negosyo. Napakahalaga rin ng planong pagtatatag ng Business Development Services Voucher System at national accreditation framework.
Ipinakikita nito na seryoso ang layunin ng panukala na tiyaking dekalidad at epektibo ang mga serbisyong matatanggap ng maliliit na mga negosyante. Ito ay konkretong hakbang upang hindi maiwan ang maliliit na mga negosyo sa mabilis na pagbabago ng ekonomiya at teknolohiya.
Kapuri-puri na may mga kinatawan sa Kongreso tulad ni Rep. Iris Montes, na tunay na inuuna ang kapakanan ng maliliit na mga negosyante at ordinaryong Pilipino. Ang ganitong klaseng adbokasiya ay hindi lamang para sa iilang sektor kundi para sa mas malawak na pag-unlad ng bansa.
Kapag umunlad ang MSMEs, mas maraming trabaho ang malilikha, mas lalaki ang kita ng mga pamilya, at mas lalakas ang pambansang ekonomiya.
Patunay lamang ito na ang 4K Party-list ay patuloy na nagsusulong ng mga programang may direktang pakinabang sa mamamayan.
153 