CLICKBAIT ni JO BARLIZO
NAKABABAHALA ang lalo pang pagtaas ng inflation sa bansa na maaaring maglublob sa mga Pilipino sa nakaaalarmang kahirapan.
Nitong Abril, umakyat sa 7.2 percent ang inflation rate ng bansa, ayon sa ulat ng Philippine Statistics Authority (PSA). Mas mabilis ito sa 4.1 percent noong Marso, at pinakamataas ito simula Marso 2023, kung kailan pumalo ito sa 7.6 percent.
Ang pagbilis ng headline inflation ay bunsod ng pagtaas ng presyo ng bigas at fuels.
Umakyat ang food inflation sa 6.1 percent nitong Abril mula 2.7 percent noong Marso. Tumaas ang presyo ng bigas ng 13.7 percent sa nasabing buwan, mula 3.5 percent noong Marso 2026.
Bumigat pa ang iniinda ng mga mamimili dahil sa tumaas na gastos sa transportasyon na umabot ng 21.4 porsyento.
Teka, mayroon namang sapat na supply ng bigas hanggang sa susunod na buwan kaya nakagugulat ang malaking laktaw ng presyo nito sa merkado. Ano ang dahilan at saan galing ang nasabing pagbilis sa presyo ng bigas?
Hindi masosolusyunan ang pagtaas ng presyo ng bigas kung hindi susuriin ang dahilan.
Hindi lamang ang nasa laylayan ang direktang nahahagip ng inflation.
Ayon sa IBON, nasa 1.7 milyon hanggang 2 milyon na nauuri bilang mas mababang middle class ang posibleng matulak sa bilang ng mahihirap dahil sa lalo pang pagtaas ng inflation.
Wala naman kasing saysay ang subsidiya dahil inuuna ang nasa laylayan gayung lahat naman ng klase ng pamumuhay ay apektado ng antas ng pagbilis ng presyo ng bilihin at serbisyo.
Sa tingin lang ha, hindi kakayanin ng gobyerno na magbigay ng suporta sa lahat.
Pabalat-bunga lang ang ayuda.
Alam din ng gobyerno ang hakbang sa paglaban kontra inflation, at batid ang epektibong paraan para mabigyan ng tulong ang pinakamarami, ngunit, patumpik-tumpik sa pagdesisyon.
Ayon kay Sen. Kiko Pangilinan, hindi lamang nakadepende sa pagkontrol sa presyo ng pagkain at iba pang pangangailangan ang solusyon sa inflation. Aniya, dapat palakasin ang lokal na produksyon ng pagkain at tiyaking may sapat na suporta sa mga magsasaka at mangingisda na may mahalagang papel sa seguridad sa pagkain.
Bukod dito, kailangang palawakin din ang supply ng mga pangunahing pangangailangan.
Umaaray na ang publiko sa nakagugulantang na dagok ng pagtaas ng presyo ng mga bilihin at iba pang mahalagang kakailanganin sa bawat araw.
Sana, ayusin ng gobyerno ang presyo ng mga bilihin nang hindi masyadong nasasakal ang mga mamimili.
At kung kaya namang magkaloob ng kaalwahan ay dapat mabilis at hindi limitado. Pansamantala, may pansalag ang taumbayan sa bigwas ng mabilis na pagsirit ng presyo ng kinokonsumo.
146 