BISTADOR ni RUDY SIM
KASING init ng panahon ngayon na pinag-uusapan sa social media na sinakyan pa ng ilang politiko, ang issue patungkol sa pahayag kamakailan ng Manila Electric Company (Meralco) na ang dumaraming “Guerilla Solar” installations sa mga kabahayan sa bansa, ay hindi dumaan sa tamang safety inspections na maaaring magdulot ng kapahamakan sa mga kabahayan na posibleng pagmulan ng sunog.
Ayon sa Meralco, sa pag-aaral ng Institute for Climate and Sustainable Cities (ICSC), maraming nakita rito ang hindi sumunod sa international safety standards, isa na rito ang substandard na kagamitan sa pagpapatakbo ng solar, sa abot-kayang presyo na nabibili sa hindi rehistradong dealer mula sa Quiapo at ilang malls sa Maynila, at nakitang hindi ligtas at mapanganib para sa electrical system, na imbes na makatipid ay magsisi sa bandang huli sa pagkawala ng ari-arian o ng mahal sa buhay.
Dahil dito ay nabahala ang Meralco at nanawagan sa ilang ahensya ng pamahalaan kagaya ng Department of Energy (DOE), Department of Trade and Industry (DTI), Local Government Units (LGU) na magtakda ng malinaw na standards, regulations at tamang kaalaman upang matiyak ang kaligtasan ng publiko sa bawat solar panel installations na ikinakabit sa mga kabahayan, at maging sa Bureau of Customs (BOC), na bantayan ang posibleng pananamantala ng ilang mga negosyante sa budget friendly na produkto na hindi ligtas gamitin.
Nilinaw ni Meralco Vice President at Spokesperson Joe Zaldarriaga na hindi tutol o pinagbabawalan na makatipid ang bawat consumer kundi isinasaayos lamang. Nanawagan din si Zaldarriaga sa content creators na maging responsable sa makabagong panahon ng pagbibigay ng balita sa publiko upang hindi mabiktima ng maling impormasyon ang mga kababayan nating nahihirapan dahil sa pagtaas presyo ng mga bilihin at produktong petrolyo, mula nang sumiklab ang kaguluhan sa mga higanteng bansa.
Kapansin-pansin din sa social media ang isa na namang fake news na post ng iilan na isinisisi sa Meralco ang mala-spaghetti at spider webs na wires na madalas natin nakikita sa mga daan mula sa mga poste. Alam naman ng mga tao kung ano ang power lines ng Meralco na kadalasan ay kulay orange at ang mga wire na nakikita natin na wala sa ayos ay mga linya ng internet at ibang linya na hindi isinaayos ng kanilang installers.
Kamakailan ay nanawagan ang vloggers at content creators sa National Press Club na sana’y payagan na rin ang mga ito na maging miyembro ng NPC upang maging lehitimo sa pagbabalita. Pero teka, hindi po ‘yan ganun kadali lalo’t kung ang isang vlogger ay walang kaalaman sa ethics at rules ng journalism. Isang halimbawa na riyan ay ang ipinakakalat na maling balita patungkol sa Meralco, at iba pang pagsusulat ng sensitibong balita online na dapat munang pag-aralang maigi kung may karapatang pantao ba ang natatapakan, at maling impormasyon na maaaring magdulot ng maling kaalaman sa publiko.
(Ang mga ipinapahayag sa kolum na ito ay sariling opinyon ng sumulat at hindi saloobin ng pahayagang SAKSI Ngayon – Patnugot)
182 