NAGPAALALA ang isang opisyal ng Catholic Bishop Conference of the Philippines (CBCP) sa mga botanteng Filipino na huwag basta maniniwala sa naglalabasang mga survey hinggil sa iboboto nilang susunod na mga lider ng bansa sa 2022.
Inihayag ni Bishop Broderick Pabillo, chairman ng CBCP Episcopal Commission on the Laity, layon lamang ng mga survey na maimpluwensyahan ang isip ng mga botante lalo na kung kabilang sa mga tanong ang “preferred candidates”.
“I hope we don’t believe in these surveys. It only conditions our minds,” bahagi ng homily ni Pabillo sa misa sa Maynila noong Linggo.
Idinagdag ni Pabillo, bagong vicar apostolic ng Taytay, Palawan, ginagamit na “propaganda tools” lamang ng mga politiko ang mga survey na hindi dapat paniwalaan.
Sa halip na maniwala sa mga ito, kailangan aniyang pag-aralan ng publiko ang salita ng Panginoon ukol sa pagiging lider at kung sino ang may karakter na ganito sa mga kandidato.
“We need leaders who are moved by the dire situations of the people. We need leaders who have mercy and compassion,” ayon pa kay Pabillo.
Kailangan umanong piliin ang isang lider na kayang isakripisyo ang sariling interes para sa kapakanan ng taumbayan. (RENE CRISOSTOMO)
152 