TULUYAN nang tinalikuran ng 50 miyembro ng komunistang New People’s Army ang walang kabuluhang armadong pakikibaka sa pamahalaan matapos silang sumuko sa pinagsamang pwersa ng pulisya at militar.
Sa pinagsamang ulat ng PNP-PRO5, na pinamumunuan ni P/BGen. Jonnel C. Estomo, at AFP Southern Luzon Command, sa pamumuno ni Maj. Gen. Bartolome VO Bacarro, kabilang sa mga sumuko ang limang regular na miyembro Communist NPA Terrorists (CNTs); isang mula sa Kilusang Rebolusyonaryo sa Barangay (KRB); sampu mula sa Sangay ng Partido sa Lokalidad (SPL), at 34 mula sa Milisya ng Bayan (MB).
Ang mga dating rebelde ay malugod na tinanggap sa isang simpleng seremonya sa Rendezvous Hotel sa Masbate City.
Kahirapan, kasinungalingan at pangakong napako ang nag-udyok sa mga ito na magbalik-loob at manumbalik ang tiwala sa gobyerno, bukod pa sa hirap na nararanasan dala nang walang humpay na opensibang militar na isinasagawa ng Task Force Bicolandia. Ito rin ay isang malinaw na indikasyon sa pagkamulat ng mga ito sa mali at makasariling prinsipyong pilit na isinusulong ng komunistang grupo.
Sa ilalim ng Enhanced Comprehensive Local Integrated Program, ang rebel returnees ay mabibigyan ng tulong pinansyal at livelihood programs bilang panimula sa kanilang pagbabagong buhay.
Ang PNP Bicol, sa pamumuno ni PBGen. Estomo, kaakibat ang militar, ay patuloy na pagsisikapang mas palawigin ang operasyon kontra insurhensya upang himukin ang iba pang natitirang kasapi ng NPA na tahakin ang tuwid na landas na malayo sa madugo at magulong pakikibaka.
“Hindi pa huli ang lahat, ito na ang tamang panahon upang bigyan ninyo ng pabor ang inyong mga sarili na itama ang inyong nagawang maling desisyon at sa prosesong ito, tinitiyak po namin na kami ay inyong kasama,” dagdag ni RD Estomo. (JESSE KABEL)
414 