COVID DEATHS SA PINAS ISINISI NI DEFENSOR SA DOH

(BERNARD TAGUINOD)

KABI-KABILANG patutsada ang inaabot ngayon ng Department of Health bunsod ng mga naglabasang ulat hinggil sa kapabayaaan nito sa gitna ng pandemya, partikular sa pinakahuling audit report na naglalahad ng bulilyaso sa paggastos nito sa limitadong pondo ng gobyerno.

Ani Anakalusugan Party-list Rep. Mike Defensor, ang DOH mismo ang ugat kung bakit maraming Filipino ang namamatay sa COVID-19. Bukod sa mabilis na pagtaas ng death toll, nawawalan na rin aniya ng pag-asa ang mga tao dahil sa kapabayaan ng nasabing ahensyang pinamumunuan ni Health Secretary Francisco Duque.

Ayon pa kay Defensor, ang Commission on Audit (COA) na mismo ang patunay na hindi sumunod ang DOH sa itinakdang alituntunin sa paggastos sa may P67.3-bilyong pondo para sa government pandemic response – dahilan kung bakit aniya pumalpak ang programa ng gobyerno kontra COVID-19.

“More than missed opportunities, the negligence of the DOH has caused death and despair of our people,” ayon kay Defensor na isa sa mga health advocates sa Kamara.

Maliban dito, umaabot pa umano sa P24 bilyon ang hindi nagamit ng ahensya para sa COVID-19 nito noong mga panahong kabi-kabila ang pumapanaw nang hindi man lang nalulunasan kahit pa mayroon namang pondong pwedeng nakalaan para dito.

“Ang daming kailangan. Simpleng vitamins wala ang mga tao. ‘Pag nagkasakit ang mahirap, naghihintay na lang sila kung gagaling o mao-ospital,” paliwanag pa ng mambabatas.

Lubos aniyang nakakapagtakang bantulot ang nasabing ahensya gayong mayroon naman umanong pondo na maaaring gamitin para sa mga pasyente.

Dagdag pa ni Defensor, ang nakapagngingingit ay ang nakasaad sa COA audit report hinggil sa mga kwestyonableng paggamit ng DOH ng kanilang pondo.

“Many families are deep in debt because they cannot pay for hospitalization. Many locked down areas are wanting of support from vitamins, antibiotics among others,” dagdag pa ni Defensor na lubos na nagtataka kung bakit ayaw gamitin ng nasabing kagawaran ang perang inilaan para sa mga sitwasyong higit itong kailangan.

Hindi rin umano nagkulang ang nakaraang liderato ng Kamara kung saan bahagi si Defensor, na bigyan ng sapat na pondo ang DOH para tugunan ang problema at tulungan ang mga tao lalo na ang mga frontliners.

“Ito na naman, budget ulit. Dapat ayusin talaga ang policy and research ng IATF (Inter-Agency Task Force) and separate the departments executing the same, especially the DOH and DSWD (Department of Social Welfare and Development),” pagtatapos ng kongresista.

146

Related posts

Leave a Comment