Para sa kaligtasan ng mga pasahero LCSP: IF YOU VLOG, DON’T DRIVE

SUPORTADO ng Lawyers for Commuters Safety and Protection (LCSP) ang Memorandum Circular No. 2026-050 ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na nagbabawal sa mga driver ng public utility vehicles (PUVs) na mag-vlog habang nagmamaneho.

Ayon kay LCSP President Atty. Ariel Inton, layunin ng direktiba na maiwasan ang mga aksidente at maprotektahan ang mga pasahero, drayber at iba pang gumagamit ng kalsada.

Paliwanag ni Inton, hindi ipinagbabawal ng LTFRB ang vlogging kundi ang paggawa nito habang nagmamaneho.

“Kung gusto mong mag-vlog, huwag habang nagda-drive. ‘If you vlog, don’t drive,'” ani Inton.

Sa ilalim ng Republic Act No. 10913 o Anti-Distracted Driving Act, ipinagbabawal ang paggamit ng mobile device para mag-text, tumawag, magbasa ng mensahe, manood ng video, maglaro, mag-internet o gumawa ng iba pang kahalintulad na gawain habang nagmamaneho.

Gayunman, pinapayagan ang paggamit ng hands-free devices gaya ng speaker phone o microphone basta’t hindi nakahahadlang sa linya ng paningin ng drayber. Maaari rin itong gamitin kung may emergency.

Hindi rin saklaw ng batas ang sasakyang hindi gumagalaw, maliban kung pansamantalang nakahinto lamang dahil sa pulang ilaw o pagsunod sa traffic regulations.

Nauna nang nagbabala si LTFRB Chairman Atty. Vigor Mendoza II sa mga PUV driver laban sa paggawa ng social media content habang nasa biyahe.

Ayon sa LTFRB, ang mahuhuling lumalabag sa memorandum ay papatawan ng P5,000 multa.

(PAOLO SANTOS)

61

Related posts

Leave a Comment