HANDS OFF ang Malakanyang sa pagsusulong ng Makabayan bloc na magsagawa ng full scale Congressional inquiry sa natuklasan ng Commission on Audit (COA) na mismanagement diumano ng Department of Health (DoH) sa P67.3 bilyong pondo para sa ginagawang pagtugon ng pamahalaan sa COVID-19.
Ang katuwiran ni Presidential spokesperson Harry Roque, independiyenteng sangay ng gobyerno ang mababang kapulungan ng Kongreso kaya’t sa anomang desisyon nito ay walang magagawa ang Ehekutibong sangay ng pamahalaan.
Bukod dito, talaga naman aniyang katungkulan at responsibilidad ng Kongreso na magkaroon ng ganyang imbestigasyon.
“Pero mamaya po sa Talk to the People, asahan po natin na baka po magbigay ng paunang kasagutan ang DOH, mamayang gabi sa harap ni Presidente at sa harap ng taumbayan. So, abangan po natin ang Talk to the People mamaya,” ayon kay Sec. Roque.
Sa ulat, isang resolusyon ang inihain nitong Lunes ng six-man opposition bloc na nananawagan para sa isang masusing imbestigasyon sa usaping ito.
Pinagtibay nina Deputy Minority Leader at Bayan Muna Rep. Carlos Isagani Zarate, kasama sina Asst. Minority Leader at Reps. France Castro (ACT Teachers Party-list) at Arlene Brosas (Gabriela Party-list) ang kanilang mga naunang pahayag na hihilingin nila sa Kongreso na imbestigahan ang DoH at pinuno nito na si Secretary Francisco Duque. (CHRISTIAN DALE)
412 