TINIYAK ni Senador Sonny Angara na entitled ang mga pauuwing Overseas Filipino Workers (OFWs) mula Afghanistan sa iba’t ibang benepisyo at tulong mula sa gobyerno.
Ipinaliwanag ni Angara na alinsunod sa iniakda nitong Republic Act 10801 o ang Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) Act of 2016, bibigyang ayuda ang mga repatriated Pinoy mula sa conflict-ridden Afghanistan habang naghihintay sila ng bagong deployment.
“Isinulong natin ang batas na ito upang matugunan ang mga problemang pinagdadaanan ng ating mga OFWs tuwing may hindi inaasahang pangyayari sa mga bansang kanilang kinalalagyan tulad ng nangyayari ngayon sa Afghanistan,” saad ni Angara.
“Handa ang ating OWWA upang tulungan ang mga apektadong Pilipino na makauwi sa Pilipinas at mabigyan sila ng kabuhayan dito sa bansa,” dagdag ng senador.
Sa ilalim ng batas, ang OWWA ay inatasang bumuo ng mga hakbangin para sa reintegration ng mga apektadong OFWs sa Philippine society.
Bukod sa training at seminars para sa OFWs, mandato rin ng OWWA na magbigay ng job referrals at livelihood assistance.
Kasama rin sa reintegration program ang low-interest loans para sa repatriated OFWs sa pamamagitan ng Land Bank of the Philippines at Development Bank of the Philippines.
Ang mga dependents at benepisyaryo ng mga OFW member ay maaari ring makatanggap ng educational assistance sa pamamagitan ng Education for Development Scholarship Program at Skills-for-Employment Scholarship Program ng Technical Education and Skills Development Authority.
Sa datos, sa 130 Pilipino sa Afghanistan, 32 ang nai-evacuate na habang 19 pa ang naghihintay na makaalis. (DANG SAMSON- GARCIA)
166 