BINIGYAN lamang ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte ang Department of Health (DoH) at Department of Budget and Management (DBM) ng 10 araw para bayaran ang benepisyo ng health workers.
May ilan na kasi sa hanay ng health workers ang kinukonsidera ang mass resignation dahil sa pagkakaantala ng pagpapalabas ng karagdagang bayad para sa mahigit isang taon nang paglaban sa COVID-19 crisis.
Libo-libong medical workers ang napaulat na nagbitiw umano sa panahon ng pandemya dahil sa reklamo ng “low pay and poor working conditions.”
May ilan naman ang naghanap na ng trabaho sa ibang bansa.
Sinabihan ni Pangulong Duterte si Health Secretary Francisco Duque III na “Use whatever money there is, bayaran mo iyong hinihingi ng mga nurses, both in government and those outside of government na volunteers.”
“Kung wala kang pera, gastusin mo lahat ‘yong ano d’yan, I’m ordering you to use every money there,” ani Pangulong Duterte sa kanyang Talk to the People, araw ng Sabado.
Hindi naman lingid sa kaalaman ng pangulo na ang pondo ay kailangan i-request mula sa Department of Budget and Management.
“Hindi ikaw ang magkuha d’yan sa bulsa mo para ibayad mo, correct? I would like now itong naghawak ng pera or authority to spend, DBM, I’m giving you 10 days,” dagdag na pahayag ng Chief Executive.
“Wala kayong personnel? Borrow from other agencies,” anito.
Samantala, ang tantiya naman ng Private Hospitals Association of the Philippines (PHAPi) ay may 40% ng private hospital nurses ang nagbitiw sa tungkulin noong nakaraang taon sa gitna ng bagong wave ng infections ngayong taon.
Ang mga public hospital naman ay nahaharap sa kahalintulad na hamon.
“If we want to increase bed capacity, that is easy, but the problem is the nursing component,” ayon kay PHAPi president, Jose Rene de Grano, sa ulat. (CHRISTIAN DALE)
218 