MECQ IWAS AYUDA HINDI VIRUS – SOLON

NANINIWALA ang isang mambabatas sa Kamara na pag-iwas sa pagbibigay ng ayuda ang dahilan kaya ibinaba sa modified enhanced community quarantine (MECQ) ang status sa Metro Manila.

Para kay Gabriela party-list Rep. Arlene Brosas, kaduda-duda ang pagsasailalim pa rin sa MECQ hindi lamang ng Metro Manila kundi maging ng ilang lugar sa bansa kahit kitang-kita umano sa datos na hindi bumababa ang kaso ng COVID-19 anomang uri ng lockdown ang ipinatutupad.

“Kahit anong Q pa ‘yan, mananatili ang pagtaas ng kaso hangga’t hindi isinasaayos ang sistemang pangkalusugan,” paliwanag pa ng mambabatas.

Mas naniniwala ang mambabatas na taktika lang ito ni Pangulong Rodrigo Duterte para hindi bigyan ng ayuda ang mga tao kahit sangkatutak aniya ang pondo ng mga ito.
“Sa ngayon, halatang gusto lamang umiwas ni Duterte sa pagbibigay ng ayuda,” duda pa ni Brosas.

Base sa kalakaran, kailangang magbigay ng ayuda ang gobyerno sa mga lugar na isinasailalim sa ECQ dahil hindi makapaghanapbuhay ang mga tao subalit walang tulong pinansyal ang pamahalaan sa ilalim ng MECQ at iba pang uri ng quarantine regulation.

Hindi epektibo

Dagdag pa ng mambabatas, lalong napatunayan na hindi epektibo ang iba’t ibang uri community quarantine dahil imbes na bumaba ang kaso ng COVID-19 habang ikinukulong ang mga tao sa kanilang bahay ay lalo pang dumarami ang nahahawa.

Tinukoy ni Brosas ang record-breaking na kaso ng COVID-19 sa bansa mula noong Marso 2020 matapos ang dalawang linggong ECQ kamakailan.

“Nangangahulugan lamang ito na palpak na naman ang ECQ dahil wala itong kaakibat na pagpapaunlad ng sistemang pangkalusugan, partikular sa libre at malawakang testing, contact tracing, isolation at treatment,” ayon sa mambabatas.

Magugunita na umabot sa 17,231 ang kasong naitala sa pagtatapos ng dalawang linggong ECQ noong Agosto 20 at sinundan ito ng 16,694 kinabukasan, Agosto 21.

Ito na ang pinakamalaking bilang ng COVID-19 sa bansa mula nang magsimula ang pandemya noong Marso 2020 na ayon kay Brosas ay bunga ng kapalpakan umano ng gobyerno sa pagtugon sa pandemya.

“Winarak ng Duterte admin ang previous worst daily record sa pagtatapos ng 2-linggong ECQ. Sinayang ang sakripisyo ng frontliners at mamamayan dahil walang aggressive testing at vaccine rollout,” ani Brosas. (BERNARD TAGUINOD)

180

Related posts

Leave a Comment