BAGAMA’T hindi nagastos ng Department of Health (DOH) ang pondong inilaan para tugunan ang problema sa pandemya noong nakaraang taon, naglaan pa rin ang national government ng P252 billion na pondo para rito sa susunod na taon.
Ito ang isa sa nilalaman ng proposed national budget sa 2022 na nagkakahalaga ng P5.024 trillion na pormal nang isinumite ng Department of Budget and Management (DBM) sa Mababang Kapulungan ng Kongreso.
Tumaas din ang pondo ng DOH ng P31.3 billion dahil mula sa kasalukuyang P210.1 billion ngayong taon ay magiging P242 billion na ito sa 2022, at pang-apat na mga ahensya ng gobyerno na may pinakamataas na budget.
Kabilang sa paggagamitan sa P252.4 billion budget sa pandemya ay pagbili ng personal protective equipment na magkakahalaga ng P819 million; pagpapatayo ng Virology Science and Technology Institute, P983 million; P140 million para sa Philippine Genomic Information and Resource Hub, at P5.1 billion para sa COVID-19 GeneXpert Cartridges.
Bibigyan din ng P80 billion ang PhilHealth para tulungan ang mga biktima ng COVID-19; P19.6 billion para sa health facilities and enhancement program; P17 billion para sa pagkuha ng health workers at P17 billion para sa medical assistant sa mahihirap na mga pasyente.
Tumaas din ang budget ng lahat ng mga ahensya ng gobyerno sa pangunguna ng Department of Education (DepEd) na makakukuha ng P773.6 billion sa 2022 mula sa P751.7 billion ngayong taon.
Tumaas din ang budget ng Department of Budget and Management dahil mula sa P695.7 billion ngayong 2021 ay magiging P686.1 billion sa 2022 na sinundan ng Department of Interior and Local Government (DILG) na may P250.4 billion sa 2022 mula sa P249.3 billion ngayong taon.
Nasa ika-5 pinakamataas na pondo naman ang DOH na sinundan ng Department of National Defense, P222 billion mula sa P205.6 billion; Department of Social Welfare and Development (DSWD) na may P191.4 billion mula sa P176.9 billion; Department of Agriculture, P103.5 billion mula sa P87.9 billion.
Sinundan ito ng Judiciary na may P45 billion pondo, sa ika-9 na puwesto bagama’t nabawasan ito ng P300 million mula sa P45.3 billion budget ngayong taon, habang top-10 naman ang Department of Labor and Employment (DOLE) na may P44.9 billion budget mula sa kasalukuyang P37.1 billion.
Samantala, sinabi ni House Appropriation Committee Chairman Eric Yap, sisimulan ang pagdinig sa pambansang pondo sa Huwebes, Agosto 26, at target na tapusin ang deliberasyon bago matapos ang Setyembre. (BERNARD TAGUINOD)
