HINIMOK ni Senador Grace Poe ang Department of Transportation (DOTr) na unahin ang kapakanan ng taumbayan at hindi ang pansariling interes.
Sa gitna ito ng pagkwestyon ni Poe sa implementasyon ng hindi napapanahong Motor Vehicle Inspection System sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
“Sa panahon ng pandemya kung kailan bawat piso ay mahalaga, isang krimen ang pamemera gamit ang polisiya na hitik sa problema,” saad ni Poe sa kanyang privilege speech hinggil sa operasyon ng Private Motor Vehicle Inspection Centers (PMVICs).
Binatikos ni Poe ang muling pagsusulong ng implementasyon ng PMVICs sa gitna ng pandemya.
Nakatanggap ng report ang senador na may ilang PMVIC ang pinilahan ng mga nais magparehistro ng sasakyan at hindi na napanatili ang social distancing.
Sa impormasyon, ipinatutupad ang PMVIC testing sa halos lahat ng rehiyon maliban lamang sa CAR, CARAGA at BARMMM.
“Pinaikot lang tayo pero sa huli ay PMVIC owners pa rin ang panalo at ang mga motorista ang talo,” diin ni Poe.
May mga impormasyon din na ilang motorista ang pwersahang pinabibili ng insurance policies sa PMVIC operators upang makapasa sa vehicle examination.
“I call on the DOTr to listen to the people on the ground. Hindi pera kung hindi tao ang dapat nating inuuna,” diin ni Poe.
Una nang inirekomenda ng Senate committee on public services ang pagbasura sa Department Order 2018-019 kaugnay sa mga problema sa inspection standards, errors sa test results, at iba pang isyu sa transparency sa accreditation process. (DANG SAMSON-GARCIA)
